Nahuli ang isang menor de edad na lalaki na isinisilid sa mga kahon ng gamot ang ibinebenta niyang mga droga sa Mandaluyong City. Ang binatilyo, inire-remit daw ang benta sa isang bilanggo sa New Bilibid Prison.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Biyernes, makikita sa camera ang pakikipagkita ng menor de edad na suspek sa undercover personnel ng Mandaluyong Police.

Isinagawa ang anti-illegal drugs operation pasado 5 p.m. sa tabi ng mataong waiting shed.

Dumating ang suspek na suot ang isang pulang sando at pasimpleng nakipagtransaksiyon sa kasabwat nga mga pulis.

Nang makuha ng pulisya ang hudyat na naganap na ang transaksiyon, kumilos na ang mga operatiba at dinakip ang binatilyo.

"Napag-alaman natin na ang modus ng mga pusher ngayon ay isinisilid ang droga sa box ng gamot para hindi halata kapag nag-abutan o nagkabentahan," sabi ni Police Colonel Gauvin Unos, hepe ng Mandaluyong Police.

Ayon pa sa opisyal, iniiwan lang sa isang lugar ang droga tulad ng basurahan at doon na kukunin ng kostumer.

"Doon ang kumbaga lagayan ng mga gumagamit sa kaniya. 'Yung pera na bayad ng shabu na ito ay nire-remit sa isang remittance establishment, papunta po yan daw sa Muntinlupa sa loob ng kulungan," sabi pa ni Unos.

Dahil menor de edad, ibinigay sa Department of Social Welfare and Development ang kostudiya ng suspek.--Jamil Santos/FRJ, GMA News