Kung bansang Pilipinas ang pag-uusapan, tila bibihira ang mga babaeng nagsisilang ng kambal o triplets. Pero sa Alabat Island sa Quezon, matatagpuan ang humigit kumulang na 100 pares ng mga kambal. May taglay nga kayang hiwaga ang islang ito?
Sa "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing isa na namang pares ng kambal ang isinilang nito lamang nakaraang Oktubre.
Ang isa sa mga kambal sa isla na sina Kathreen at Kathleen Dayondayon, makikilala sa kanilang mga balat sa mukha at sa pananamit.
Girlish daw kasi kung manamit si Kathleen, samantalang boyish naman ang estilo ng pananamit ni Kathreen.
Ayon sa kanilang inang si Gemma Dayondayon, mahilig siyang kumain noon ng mga pagkaing magkapares nang ipinagbubuntis niya ang kaniyang kambal.
Mayroon din na magpipinsan sa Barangay Villa Esperanza, na puro may kakambal.
Ang hindi magkamukha na kambal na sina Jommar at Jommark Gendrano, pero iisa ang niligawan nilang babae.
"Mahirap po. Kapag may nililigawan ako siya lagi ang nanunulot. Siya ang laging nagugustuhan," sabi ni Jommark tungkol sa kaniyang kambal na si Jommar.
Pero ayon naman kay Jommar, may pinormahan siyang babae sa Laguna. Pero nakilala rin ito ni Jommark at pinormahan, ngunit wala siyang alam na nililigawan ito ni Jommar.
Matatagpuan din sa Alabat Island ang triplets na sina Janine, Janice at Jessica Pamesa.
Ayon sa kanila, may kambal ang lola nila, at sadyang may lahing triplets ang kanilang magulang.
Sa pagtatanong ng KMJS, sinabi ng mga pares ng kambal na wala namang sikreto kung bakit marami ang kambal sa Alabat Island.
Sadya lamang umano na nasa lahi ito.
Ang ginang naman na si Nieves Villaplana, ipinaglihi sa kambal na saging ang kambal na sina Isabelle at Rachelle.
"Wala talagang isang factor na magsasabi kung bakit nagkaka-twining. Ito ay kombinasyon na genetic factors tsaka environmental factors din. Posible rin na sa Alabat Island, may iba't ibang factors na never nating nakita sa iba," sabi ni Dr. Ebner Bon Maceda, clinical geneticist ng Institute of Human Genetics ng National Institutes of Health.
--FRJ, GMA News