Nabahala ang mga residente at mga magsasaka sa isang barangay sa Banisilan, Cotabato nang dumaloy hanggang sa sakahan ang kulay asul na tubig mula sa isang ilog.

Sa ulat ng GMA Regional TV News nitong Martes, sinabi ng isang kagawad na namataan ang kulay asul na tubig mula sa ilog sa Barangay Poblacion Dos noong Linggo ng tanghali.

Mula sa palayan, sinundan kung saan nagmula ang tubig hanggang sa makita na galing ito sa itaas na bahagi ng ilog. 

Nangamba ang mga residente at magsasaka na baka may masamang epekto sa kalusugan at tanim ang tubig na kulay asul.

Kinabukasan ng Lunes, bumalik ang mga opisyal ng barangay sa itaas na bahagi ng ilog at doon naaktuhan ang isang residente na naglilinis naman ng drum.

Nagpaliwanag umano ang residente na food coloring lang ang laman ng drum na kaniyang nilinis kaya nagkulay asul ang tubig.

Wala rin umanong masamang epekto ang food coloring sa tao. Gayunman, pinag-aaralan ng barangay kung kakasuhan ang residente dahil sa idinulot nitong pagkabahala sa mga tao.

Sinabi naman sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Martes ng gabi, bumalik na sa normal na kulay ang tubig sa ilog.--FRJ, GMA Integrated News