Ayon sa mga residente, marami nang aksidente at may mga namatay na sa highway kung saan nakuhanan ng video ng isang rider ang misteryosong nilalang na biglang tumawid at biglang naglaho sa Cagayan de Oro City. Ang isang nagtatrabaho na malapit sa highway, sinabing namumukhaan niya ang misteryosong nilalang na dati nilang katrabaho pero namatay na ito.

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabi ng rider na si Karl Dagus, na matinding takot ang naramdaman nila ng kaniyang angkas na si Camille, nang mangyari ang nakakakilabot na insidente noong madaling araw ng March 3, sa highway na sakop ng Barangay Gusa sa Cagayan de Oro City.

Dahil madaling araw ang trabaho, sinabi ni Karl na nagpasya sila ni Camille na magmotorsiklo upang magkape muna sa lungsod. Dakong 3:00 pm at maluwag ang daan nang bigla niyang makita ang isang lalaki na tatawid.

BASAHIN: Inakalang tao na 'nabundol' ng rider sa CDO, biglang naglaho?

Binawasan daw niya ang kaniyang arangkada at pinilit na lumipat ng linya sa daan para maiwasan ang lalaki pero nakita niyang sadya itong tumakbo patungo sa kaniya.

Inihanda na raw nila ni Camille ang sarili sa pagbangga ng lalaki pero laking gulat niya nang tila hangin lang ang dumapo sa kanila at nawala ang lalaki.

Naglaro rin umano sa isip niya ang bangga-modus kung saan kunwaring nabangga ang biktima at titihaya sa daan para makapanghingi ng pera na kunwaring pampagamot.

Ngunit kinilabutan sina Karl at Camille nang suriin na nila ang video nang makauwi na sa bahay at nakita nila na mayroon talagang misteryosong nilalang na bumangga sa kanila pero biglang naglaho.

Kinabahan din si Karl na baka sumunod sa kanilang bahay ang misteryosong nilalang, at nagkaroon din ito ng epekto sa kaniya dahil iniisip niya kung minsan na nakamasid ito sa kaniya.

Sa pagtatanong ng KMJS team sa mga residente malapit sa highway, inihayag ng ilan sa kanila na mayroong mga aksidente na nangyari sa naturang kalsada, mayroon na ring mga namatay, at mayroon na ring kuweto ng mga "nagpaparamdam."

Hanggang sa makausap ang isang nagtatrabaho sa isang hardware na malapit sa highway na nagsabing kilala nila ang sinasabing misteryosong nilalang na na-videohan ni Karl.

Dati raw nila itong katrabaho at kilala nila ito sa porma at tindig. Pero ang tinutukoy nilang katrabaho, napag-alaman na pitong buwan nang patay.

Ang sinasabi nga kayang trabahador sa hardware na namatay na ang nagpakita kay Karl na biglang tumawid at naglaho? Alamin ang buong kuwento sa video na ito ng "KMJS." Panoorin.-- FRJ, GMA Integrated News