Filtered By: Topstories
News

'Kasambahay bill,' pinirmahan na ni PNoy, ayon kay Valte


Tulad ng Reproductive Health (RH) bill, tahimik na pinirmahan ni Pangulong Benigno Aquino III noong nakaraang linggo ang “Kasambahay bill," ang batas na nagbibigay ng karagdagang benepisyo sa tinatayang dalawang milyong kasambahay sa bansa. “We are pleased to confirm that President Aquino signed Republic Act 10361 or 'An Act Instituting Policies for the Protection and Welfare of Domestic Workers' last January 18," nakasaad sa ipinadalang pahayag sa media ni deputy presidential spokesperson Abigail Valte nitong Miyerkules. Sa ilalim ng naturang batas, itatakda ang pinakamababang sahod sa mga kasambahay sa Metro Manila sa P2,500 bawat buwan; P2,000 bawat buwan naman ang sahod ng mga kasambahay na nasa chartered cities at first class municipalities; at P1,500 bawat buwan ang sahod ng mga kasambahay na nasa ibang pang munisipalidad. Magkakabisa ang bagong batas pagkaraan ng 15 araw matapos ito malathala sa Official Gazette o mga pahayagan na may malawak na sirkulasyon. Ikinalugod naman ng mga may-akda ng panukala sa Kamara de Representantes ang pagpirma ni Aquino sa Kasambahay Bill. “We thank the President for signing this into law. This is a very vital measure to push the benefits of our kasambahay. We agreed to set a minimum wage for the domestic workers and after a year, we will leave it up to the wage boards to adjust the wages," pahayag ni Aurora Rep, Juan Edgardo Angara, chairman ng House committee on higher and technical education. Sinabi naman ni San Juan Rep. JV Ejercito na ang pagpirma sa naturang panukalang batas ay pagpapakita ng malasakit ng pamahalaan sa mga kasambahay. "I'm very thankful to President Aquino for his concern over the plight of household helps who have long been at the mercy of their respective employers," anang kongresista. "This is the best gift we can give at the start of the New Year for these hardworking men and women who tend to our homes and take care of our children." Bukod sa pagtatakda ng sahod, nakapaloob din sa bagong batas ang ilang benepisyo sa mga kasambahay tulad ng 13th-month pay, pagbibigay ng social benefits gaya ng Social Security System, Philhealth, at Pag-ibig Fund, at isang araw day-off sa loob ng isang linggo. Noong nakaraang linggo, iginiit ng mga lider ng Kamara sa pangunguna ni Speaker Feliciano Belmonte Jr., na nasa kamay na ni Aquino ang pasya para ganap na maging batas ang Kasambahay bill matapos nila itong aprubahan. (Basahin: Lider ng Kamara, iginiit na nasa Palasyo na ang kopya ng Kasambahay bill) Kasunod ng naging pahayag ng mga lider ng Kamara, nilinaw ni Valte na nasa Malacañang na ang “enrolled copy" ng nabanggit na panukalang batas pero nirerepaso pa ito bago pirmahan ng pangulo. (Basahin: Kasambahay bill, nirerepaso pa ng Malacañang -- Valte). - RP/FRJ, GMA News