ADVERTISEMENT
Filtered By: Pinoyabroad
Pinoy Abroad

Itay ikaw ang aking super hero (1)


Magandang araw sa inyong lahat na tumatangkilik ng Pinoy Abroad. Isa din akong masugid na tagabasa ng Kwentong Kapuso. Nakaka-inspire kasi ang mga kuwento nila kaya nainspired din ako na ikuwento sa inyo ang kadakilaan ng aking ama. Seven-years-old lang ako nang taong 80's nang mauso ang salitang “Saudi" sa Pilipinas. Bata pa ako noon para maintindihan ang salitang yun, basta ang alam ko doon ang lugar kung saan ang tatay ng kalaro eh nagtatrabaho. Malayo raw yun at kailangan pang sumakay ng eroplano. Sa tuwing darating ang tatay niya marami silang laruan ng mga kuya niya – may bagong manika siya na pumipikit at napakalaki na kasing taas niya. Ang kuya naman niyang dalawa eh merong mga robot na naglalakad. Sa mura kong isip nasasabi ko sa sarili ko na mabuti pa sila. Ako kasi ang laruan ko lang noon eh banga na yari sa paso na binili ng nanay ko sa palengke. Ang iba naman ay napulot ko lang sa kalapit na subdivision namin.Ganun kami kahirap noong araw. Matagal bago umuwi ang tatay ni Nene (ang aking kalaro). Hindi katulad ng tatay ko na tuwing hapon eh umuuwi sa bahay namin at may dalang pansit para sa amin ng ate ko. Katabi ko sa pagtulog si tatay dahil nga sa ako ang bunso. Sabi nga niya hindi raw ako makatulog nun na ‘di ko naamoy ang kili-kili niya. Ganyan kami ka-close ng tatay ko.


Seven-years-old lang ako nang taong 80's nang mauso ang salitang “Saudi" sa Pilipinas. Bata pa ako noon para maintindihan ang salitang yun, basta ang alam ko doon ang lugar kung saan ang tatay ng kalaro eh nagtatrabaho. Malayo raw yun at kailangan pang sumakay ng eroplano..
– Roshane69
Laborer lang si tatay. Naalala ko pa noon na kapag hinahawakan ko ang kanyang kamay ay nadarama ko ang napakagaspang niyang palad. Ayaw ko pa ngang ipahawak ang aking pisngi dahil parang liha sa kagaspangan. Pilya raw ako sabi ni tatay. Binabantayan ko si Tatay sa talyer na pinagtatrabahuan niya habang naghihintay ako ng sorbetes na dadaan. Isang kahig, isang tuka, yun kami sabi ng nanay ko. Paminsan-minsan nararanasan naming mag-ulam ng kape sa kanin o kaya naman maiinit na tubig na nilagyan ng asukal o asin. Kaya napagpasyahan ng nanay ko na pumasok na labadera sa mayaman sa katabi naming subdibisyon. Ang maliit na kita sa paglalabada ay pandagdag sa gastusin habang walang gawa si tatay sa talyer. Nangarap din naman si tatay na pumunta sa Saudi gaya ng tatay ni Nene. Nag-apply siya bilang welder. Kaya naman na-excite kaming lahat nang ibinalita sa amin ni tatay na mag-aabroad din siya. Palaging umaalis noon si tatay pero ‘di na katulad ng dati na naka-short lang. Ngayon nakapustura na siya. Sabi pa nga niya sa akin, ano ba raw ang gusto kong bilhin niya ‘pag nasa Saudi na siya. Sabi ko naman katulad ng malaking manika ni Nene na pumipikit. Oo raw, bibilhan daw niya ako ng ganoon – at hindi lang daw isa! Pero hindi naging kasing-suwerte ng tatay ni Nene si tatay ko.

Isang araw ng umuwi siya galing sa opisina na kanyang pinag-aplayan, malungkot siya at may hawak na isang folder. Sinabi niya ang masamang balita sa amin, hindi raw siya puwedeng umalis papunta ng Saudi..
– Roshane
Isang araw ng umuwi siya galing sa opisina na kanyang pinag-aplayan, malungkot siya at may hawak na isang folder. Sinabi niya ang masamang balita sa amin, hindi raw siya puwedeng umalis papunta ng Saudi. Natuklasan kasi sa medical niya na mayroon siyang sakit sa puso. Hindi nga siguro kasing-suwerte ng tatay ni Nene si tatay ko. Hindi siya puwedeng mag-Saudi, at hindi siyang magkakaroon ng malaking suweldo gaya ng tatay ni Nene. Nalungkot man, narinig ko sa nanay ko ang pagpapasalamat…pasasalamat at nalaman namin na may sakit pala ang aking tatay. Hindi na bale raw na hindi na makakaalis papunta sa Saudi si Tatay, ang mahalaga ay nandito siya kasama namin. Mula noon hininto na ni tatay ang kanyang bisyo – ang alak at sigarilyo. Nakakasama rn kasi iyon sa kalagayan ng kanyang puso. Sinabi rin ng duktor na kailangan niyang iwasan ang mga iyon para humaba pa ang buhay niya. Sinunod naman ni tatay ang bilin ng duktor. Pero kung huminto man siya sa mga bisyo, nagpatuloy naman siya sa pagsisikap at pag-abot sa kanyang pangarap. Hindi palakibo ang tatay ko, mababa lang ang kanyang pinag-aralan. Natatandaan ko pa noon nang narinig ko ang kuwentuhan nila ni nanay. Kung paano siya naghirap sa piling ng kamag-anak niya mula nang mamatay ang nanay niya. Nakakasulat at nakakabasa rin naman si tatay sa tulong ng mga diyaryo at kakapanood ng telebisyon…marami naman siyang natutunan doon. Grade three lang kasi ang natapos ni tatay pero hindi iyon naging dahilan para siya sumuko sa buhay. Nakita ko sa tatay ko ang tunay na mukha ng tao na nagsisikap. Umaga pa lang ay nagbabanat na siya ng butoa. Naaalala ko pa.nang lumipat kami ng bahay, wala akong idea na magkakaroon na pala kami ng sarili naming talyer. Nagsimula sa maliit, naging katulong niya ang nanay ko sa paghulma ng mga bakal para sa mga nagpapagawa sa kanila. Marami ang nagtatawa sa kanila. Narinig ko pang sabi ng kapitbahay namin na, "ang lakas ng nanay mo ah parang lalaki." Ngunit ‘di nila yun pinansin, nagpatuloy sila sa pagtatrabaho hanggang isang isang araw ay may ipinaradang kotse sa harap ng talyer namin. Nagulat talaga kami ng ate ko sa kotseng iyon…(Itutuloy) – GMANews.TV Roshane69 Itay ikaw ang aking super hero (2) Itay ikaw ang aking super hero (3) Itay ikaw ang aking super hero (4) Kamusta mga Kapuso! Sana’y hindi kayo magsawa sa pagtangkilik sa ating pitak na ito. Habang may mga kababayan tayo sa abroad - pati ang kanilang mga kabiyak, anak, ina, ama o sinuman na kabahagi ng kanilang buhay - na nais magpaabot ng kanilang saloobin mananatili po ang inyong Kwentong Kapuso. Katulad ng dati, hindi kami magsasawa na basahin ang inyong mga kuwento - maigsi man o mahaba. Kahit na ang laman nito ay naglalabas ng sama ng loob, nagbibigay ng inspirasyon, gustong magpayo, magsumbong, magpatawa o kahit nagpapalipas lang ng oras. Kaya hihintayin namin ang inyong mga email na maaari ninyo itong ipadala sa Pinoyabroad@gmanews.tv Sa mga kababayan namin saan mang dako ng mundo, saludo po kami sa inyo. Mabuhay kayo mga masigasig naming Kapuso sa abroad!