Ulilang may kapansanan sa pag-iisip, tampok sa 'Wish Ko Lang'

Kawawa raw si Mayang dahil maliban sa siya ay ulila, mayroon din daw siyang problema sa pag-iisip. Pero buti na lang, may nagmagandang loob at inampon siya. Ang kinilalang ina na ni Mayang na si Lola Myrna. At mula noon, nakadanas na siya ng pagmamahal at pag-aaruga.
Ngunit dumating ang araw ng pagpanaw ni Lola Myrna, kaya muling naging ulila si Mayang. Sa kanyang pag-iisa, naging pagkakataon ito para siya at mapahamak. Siya kasi ay nagahasa! Katwiran marahil ng salarin, hindi siya mahuhuli, dahil malamang hindi paniniwalaan ang isang may kapansanan sa pag-iisip kung sakaling magsumbong si Mayang sa kinauukulan.
Abangan ang pagganap nina Candy Pangilinan, Maey Bautista, Felix Roco at Divina Valencia, para gampanan ang mga tagpo sa buhay ni Mayang sa Wish Ko Lang!, kasama si Vicky Morales, Sabado, 3:15 pm, pagkatapos ng Karelasyon sa GMA-7.