Janna Dominguez, nagsilang na; Iwa Moto ‘di pa raw niya nakakausap
Isang malusog na baby girl ang isinilang ng Kapuso sexy comedienne na si Janna Dominguez. May plano na kaya silang magpakasal ng ama ng bata na si Mickey Ablan, ang kontrobersiyal na ex-boyfriend ni Iwa Moto. Sa exclusive phone interview nina Joey de Leon at Ricky Lo sa Startalk TX nitong Sabado, sinabing isinilang ni Janna ang 7 pound baby na pamamagitan ng caesarian nitong Huwebes. Ito ang first baby ni Janna habang second baby naman ng kanyang boyfriend na si Mickey. Matatandaan na naging kontrobersiyal ang paghihiwalay nina Mickey at Iwa noong nakaraang taon. (Basahin: Iwa Moto, nasugatan matapos magwala dahil sa galit sa ex-boyfriend) Kinumpirma ni Janna, na nagkausap at nagkaayos na sina Mickey at Iwa pero hindi siya nakasama dahil buntis pa siya noon. Hindi naman masagot ng aktres ang tanong kung kukunin ba nilang ninang si Iwa. “Sabi ‘di ba bawal tumanggi. Tingnan na lang po natin madali naman pong mag-usap," sagot nito. Tungkol sa planong pagbabalik sa showbiz, sinabi ni Janna na kailangan muna niyang magbawas ng timbang. Nang tanungin naman kung may plano na ba silang magpakasal ni Mickey, tugon ni Janna: “Nag-propose na po siya sa'kin... pero yung kasal wala pa muna kasi gusto payat naman ako sa wedding dress ko 'di ba." Bahagi ng comedy show na May Tamang Balita sa GMA News TV si Janna bago ito nagbakasyon matapos na magdalang-tao.-- FRJimenez, GMA News