Annabelle Rama at inireklamo nitong showbiz reporter, nagpang-abot sa burol ni Dolphy
Nagkaroon ng kaguluhan sa burol ni Comedy King Dolphy sa Heritage Park sa Taguig City nang magtagpo sina Annabelle Rama at inirereklamo nitong showbiz reporter nitong Biyernes ng gabi. Sa ulat ng GMA News Saksi, sinabing unang naganap ang komprontasyon nina Annabelle at inirereklamo niyang showbiz reporter na si Chito Alcid sa loob ng comfort room dakong 10:00 p.m. Subalit umabot ang komprontasyon sa dining area kung saan nandoon din ang ilang nakikipaglamay na celebrities kasama na ang dating aktres na si Amalia Fuentes, na kaalitan din ni Annabelle. Ayon kay Alcid, may dala umanong bread knife si Annabelle nang sugurin siya. Iniwasan daw niya si Annabelle pero sinundan siya hanggang sa dining area. Dagdag pa niya, noon pa umano siya tini-text ni Annabelle dahil sa kanyang mga isinusulat tulad ng isyu tungkol kina Ruffa Gutierrez at Amalia. Sinabi naman ni Amalia na wala umanong makaawat sa pagwawala si Annabelle na may hawak daw na stand ng mikropono sa dining area. Si Ilocos Sur Gov. Chavit Singson lang umano ang nakapigil sa talent manager. Dahil sa nangyari, tiyak daw na magsasampa ng reklamo si Alcid. Matapos ang insidente, kaagad umanong umalis si Annabelle kasama ang mister nitong si Eddie Gutierrez. Dahil dito, hindi kaagad nakunan ng GMA News ng pahayag si Annabelle. Pero sa mga post ni Annabelle sa kanyang Twitter account, sinabi nito na si Alcid ang sumunod sa kanya sa comfort room. @annabellerama2: ânakita ko yung baklang duwag, fake na reporter sa dining. âSinundan nya ako sa cr at hinarap nya ako, akala ng gago na yan na natatakot ako sa kanya. âKaya ko sya hinampas ang yabang kase dahil marami syang kasama. Duwag matapang ka lang sa facebook at twitter. Nitong nakaraang buwan, kinasuhan ni Annabelle ng libel sa Cebu City sina Alcid, Amalia at Nadia Montenegro. (Basahin: Demandahan nina Annabelle, Nadia at Amalia, nakarating na sa Cebu) Sa isa pang post ni Annabelle sa kanyang Twitter, humingi siya ng paumanhin kay Zsa Zsa Padilla at pamilya Quizon sa naganap na kaguluhan. @annabellerama2: "To Zsa Zsa and the Quizon family, I am so sorry for what had happened at the dining area of the Heritage. I was provoked by a fake reporter." -- FRJ, GMA News