ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

#Throwback2014: Celebrity engagements, weddings highlight the year in showbiz




Hindi nga maikakailang Year of Love ang 2014 para sa mga magkasintahan sa Philippine entertainment industry. Bukod sa kaliwa't kanang wedding proposals, nagsisimula na rin ang mga pagpapakasal ng ilang celebrity couples.

Liza and Aiza
 
 

A photo posted by CY Seguerra (@cyseguerra) on





 
Kasisimula pa lamang ng taon ngunit "love is in the air" na nga nang mag-propose ang dating child star at singer-songwriter na si Aiza Seguerra sa girlfriend nitong si Liza Diño noong February 7 sa gitna ng pagtatanghal ni Liza sa dulang "Kung Paano Maghiwalay" sa Teatro Hermogenes Ylagan ng University of the Philippines sa Diliman, Quezon City. 
 
Makaraan ang ilang buwan ng Do-It-Yourself preparations para sa kanilang kasal, natapos na ang isang bahagi ng kanilang pag-iisang dibdib nang maikasal sila sa San Francisco, California nito lamang December 8.
 
Magkakaroon pa ng isang seremonya para sa kanilang pag-iisang dibdib ang magkasintahan dito naman sa Pilipinas na dadaluhan ng kanilang mga magulang na hindi nakarating sa seremonya sa Amerika.

Bianca and JC

 

A photo posted by JC Intal (@jcintal7) on





 
Noong March 20 naman, sinorpresa ng PBA player na si JC Intal ang kasintahan, TV host at writer na si Bianca Gonzales sa NAIA Terminal 2 bago ito lumipad papuntang London upang mag-aral. Naroon ang mga malalapit na kaibigan ng magkasintahan kabilang na sina Doug Kramer, Cheska Garcia, at Prince Valencia na umawit ng harana para kay Bianca. 
 
Matapos ang ilang buwang paghahanda, ikinasal ang dalawa sa isang intimate gathering sa Palawan kasama ang malalapit nilang kaanak at kapamilya nitong December 4. 
 
Nagkaroon din sila ng malaking pagtitipon sa Araneta Coliseum bilang post-wedding reception noong December 10, kung saan dumalo ang kani-kanilang mga kaibigan sa loob at labas ng showbiz at PBA, kabilang na ang kapatid ni Bianca na si Aissa na kanya ring maid of honor, at ang best man ni JC na si Doug Kramer, pati na ang Queen of all Media na si Kris Aquino at ang Kapuso Royal Couple na sina Dingdong Dantes at Marian Rivera, na susunod na sa listahan ng engaged couple sa taong ito.
 
Neri and Chito
 
 

A photo posted by Chito Miranda (@chitomirandajr) on





 
Mayo naman nang mag-propose ang musician na si Chito Miranda sa kasintahang si Neri Naig sa pamamagitan ng isang engrandeng set-up sa Tagaytay na nakakubli bilang isang music video shoot.
 
Nanatiling matatag ang relasyon nina Chito at Neri sa kabila ng kontrobersiyang hinarap matapos kumalat ang isang pribadong video sa social media noong nakaraang taon.
 
Nitong Disyembre, dalawang beses rin ikinasal ang magkasintahan – isang civil ceremony noong Sabado, December 13, at isang garden wedding sa Tagaytay noong sumunod na araw.

Marian and Dingdong
 
 
Matatandaang nag-propose noong Agosto si Dingdong Dantes sa live telecast ng dance show na 'Marian,' at emosyonal namang tinaggap ni Marian Rivera ang proposal ng kasintahan.
 
Matapos nito, inihayag ng dalawa na hindi ito ang unang beses na nag-propose ang aktor. Dalawang taon na ang nakalilipas nang isagawa ni Dingdong ang unang wedding proposal niya kay Marian habang nagbabakasyon sila sa Macau kasama ang kani-kanilang pamilya, ngunit ramdam umano ng aktor na marami siyang hindi nagawa noong unang beses. 
 
Ayon kay Dingdong sa naunang pahayag, "You know I can do it over and over again. I can do it for the third or fourth or fifth time, that's how serious I am."
 
"This time much better at mas espesyal na siya dahil tulad ng pangako namin sa tao, sa aming mga kabigan [na] in time malalaman nila and they will be part of it," dagdag pa niya.
 
Nakatakdang ikasal sina Marian at Dingdong sa December 30, 2014 sa Immaculate Conception Cathedral sa Cubao, Quezon City, at nakatakdang gawin ang kanilang wedding reception sa SM Mall of Asia Arena.

Heart and Chiz
 
 
Buwan ng Agosto rin nang mag-propose si Sen. Chiz Escudero sa aktres at girlfriend niyang si Heart Evangelista sa Sorsogon, ang hometown ng senador. Ito ay matapos ma-annul ang kasal ni Chiz sa ex-wife na si Cristina noong 2012. 
 
Maraming pagsubok ang pinagdaanan ng magkasintahan bago maging smooth-sailing ang kanilang wedding preparations. Isa na rito ang mariing pagtutol ng mga magulang ni Heart sa relasyon nila ng senador na hayagan nilang ipinaalam sa publiko. 
 
Gayunpaman, kalaunan ay nagkaayos rin ang mga kampo at katulong na nga ni Heart ang mga magulang sa pag-aayos ng kanyang special day. 
 
Ikakasal sina Heart at Chiz sa February 15, 2015, isang araw pagkaraan ng ika-30 kaarawan ni Heart, sa Balesin Island Club sa lalawigan ng Quezon.
 
Isabel and John

 

A photo posted by Isabel Oli (@missisabeloli) on





 
Sumunod sa kaliwa't kanang celebrity wedding proposals si John Prats na inaya na ngang magpakasala ang kasintahang si Isabel Oli noong September 24 sa pamamagitan ng isang flash mob sa Eastwood Citywalk.
 
Nagsimula nang mag-plano ang magkasintahan ngunit wala pa silang napipiling date ng kanilang kasal, gayundin ang mga magiging kasama sa entourage at ilan pang mahahalagang detalye.
 
Sa mga naunang pahayag, inilahad nina Isabel at John na nais lamang nila ng simple at intimate na wedding, malayo sa enggrandeng proposal ng aktor.

Solenn and Nico
 
 

Engaged ???? @nicobolzicco @solennheussaff
 
 

A photo posted by Adrien Semblat (@adriensemblat) on





 
At bago nga magtapos ang taon, opisyal nang naging engaged couple ang live-in partners na sina Solenn Heussaff at ang kanyang Argentine boyfriend na si Nico Bolzico.
 
Naganap ang proposal noong December 10 kasama ang pinakamalalapit na kaibigan ng magkasintahan, kabilang na sina  Carla Humphries, Anne Curtis, Liz Uy, Isabelle Daza, at ilang childhood friends ni Solenn..
 
Tatlong taong nagsama ang dalawa bago tuluyang ma-engage.
 
Hindi pa nagsisimulang mag-plano ang magkasintahan para sa kanilang kasal ilang araw makaraan ang wedding proposal ni Nico. — JST, GMA News