Janine Gutierrez, nakitang mahirap din ang maging independent
Ibinahagi ng Kapuso star na si Janine Gutierrez ang mga karanasan niya mula nang magsarili o mamuhay siya nang nakabukod sa kaniyang mga magulang.
Sa ulat ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) nitong Sabado, sinabing naninirahan ngayon ang 27-anyos na aktres sa one-bedroom condo unit sa Greenhills, San Juan.
"Mahirap. Kailangan pala talagang maging responsible ka," saad ng lead star sa bagong GMA afternoon series na "Legally Blind."
READ: Janine Gutierrez, 'di naiwasang kabahan sa kaniyang rape scene sa 'Legally Blind'
May mga pagkakataon na nakalilimutan umano niyang magbayad ng kuryente kaya pinupuntahan siya ng MERALCO.
"Kinakatok ako ng MERALCO kasi nakalimutan ko palang magbayad ng kuryente. Sabi ko, 'Huwag po.' Yung mga bagay na gano'n," saad ni Janine na magiging host din ng reality-lifestyle program ng GMA News TV na "Day Off."
Ayon pa sa aktres, ang hindi rin siya kumukuha ng kasambahay para mapilitan siyang matutong magluto.
Maaari naman daw siyang magpatulong sa mga kasambahay sa bahay nila sa Quezon City kung kakailanganin.
Sa kabila nito, inihayag ni Janine na talagang gusto niya na maranasan na maging independent kaya pinag-ipunan niya ang nabili niyang condo unit mula sa kaniyang kita sa pagtatrabaho.
Napili daw niya ang lokasyon ng Quezon City dahil nasa gitna ito ng mga bahay ng kaniyang mga magulang sa Fairview at Paranaque.
"Minsan kung mata-traffic ka, aabutin ka ng apat na oras, so bumili ako ng gitna, Greenhills.
"Happy ako kasi puwedeng kong yayain ang mommy ko do'n, puwede kong yayain ang daddy ko do'n." -- FRJ, GMA News