Naghahapunan umano at dessert time nang mag-propose si Mark Herras sa kaniyang nobyang si Nicole Donesa. Hindi naman nabigo ang binata dahil nakuha ang matamis na "yes" ng dalaga.
Sa Instagram post ni Nicole, makikita ang larawan ng ice cream kung saan inilagay ni Mark ang engagement ring na ibigay sa kaniya.
"We were eating dinner, and when it was time for desserts, this was what came to my surprise," ayon sa Kapuso actress.
"Just when I thought the world was ending, a miracle happened. Life is a beautiful and short blessing, and I can’t wait to spend the rest of this life with you @herrasmarkangeloofficial, in any way we possibly can. Thank you God," dagdag pa ni Nicole.
Una rito, nag-post si Mark sa Instagram ng larawan ng kamay na may singsing na nagpapakita na engaged na sila ni Nicole.
"Ang mahalin ka at makasama ka habang buhay... I love you itchybear #toinfinityandbeyond," caption ni Mark sa post.
Naging magkarelasyon sina Mark at Nicole noong Agosto nang nakaraang taon.
Inihayag na rin ng magkasintahan na sigurado na sila sa isa't isa kaya pinag-uusapan na nilang lumagay sa tahimik.
Napag-uusapan na rin daw nila ang kasal pero ayaw na munang magbigay ng detalye ni Mark.
Sabi naman ni Nicole, kung future ang pag-uusapan, sigurado na siya na gusto niyang makasama sa buhay si Mark.--FRJ, GMA News