Inihayag ni Shaira Diaz ang kaniyang paghanga sa babaeng nurse na nag-viral matapos tulungang mapanganak ang isang buntis na ginang sa tabi ng kalsada sa Makati City.

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras," sinabing si Shaira ang gaganap bilang ang nurse na si Lorrainne Pingol sa "Magpakailanman" nitong Sabado ng gabi.

Paulit-ulit daw na pinanood ni Shaira ang balita sa 24 Oras ng ginawang pagtulong ni Pingol sa ginang.

"Ang galing ng ginawa niya kasi kitang kita mo doon sa video na parang kalma lang siya eh. Kasi kung ako 'yun siguro magpa-panic na rin ako. Pero siya nandu'n 'yung kalma siya at hindi niya iniisip na 'Wala akong mga ganito, wala akong ganiyan, kulang ako sa ganito.' Basta 'yung matulungan niya mailabas 'yung bata," sabi ni Shaira.

Mas makikilala pa raw ng mga manonood kung sino si Nurse Lorrainne sa likod ng kaniyang viral video.

"Bukod sa nagpaanak siya sa time na ito sa panahon ng pandemic, mapagmahal din siyang anak at masipag siya, gusto niyang matupad 'yung mga pangarap niya. Pero kasabay no'n, may mga nangyaring hindi inaasahan sa kaniya. So maraming naging dagok sa buhay niya," sabi ng Kapuso actress.

Makakasama ni Shaira sa episode ng kuwento ni Nurse Lorrainne sina Yayo Aguila, Luis Hontiveros at si Anthony Rosaldo.

Gaganap naman si Anthony bilang ang ex-boyfriend ni Lorrainne. – Jamil Santos/RC, GMA News