Sa one-on-one interview ni Jessica Soho, inihayag ng balik-Kapusong si John Lloyd Cruz o "JL," kung bakit siya nawala ng ilang taon sa showbiz at bakit niya napili ang El Nido, Palawan bilang "kanlungan."

Ayon sa Ultimate Leading Man of Philippine Showbiz, nagpahinga siya noon sa showbiz dahil nakita niya na iyon ang tamang panahon para pagtuunan ng pansin ang kaniyang sarili.

"It was the right time to be kind to myself, to start some healing. It was the right time to start the journey of unlearning," anang aktor.

"Prior to that, mga dalawang dekada akong kayod nang kayod," patuloy niya.

Sabi pa ni JL, "The thing with acquiring 'yung mga natututuhan natin, may mga kaakibat din siyang mga bagay na kakapit sa 'yo na mahihirapan kang magpagpag."

Nakita naman ni JL na magandang lugar ang El Nido para magpahinga at mamuhay ng simple at normal.

"Para kang binabalot ng hiwaga ng lugar eh. Kahit sabihin mong kung saan-saan kang dako ng mundo ka nakakarating eh, nandito lang pala oh, isang lipad lang 'yung katumbas," paliwanag ni John Lloyd.

Patuloy pa niya, "'Yun lang paglalakad eh to get from Point A to Point B na sanay na sanay ka na kinokotse mo, 'yung mga bagay na nakalimutan ko na."

Dahil siya ang baguhan sa lugar, sinabi ng aktor na siya ang naging tagapagmasid at namamangha sa mga nakikita.

"Sa mga panahon na 'yun para sa isang katulad ko na nagnanais lang naman na tumahimik, hindi ka mawawalan ng dahilan para mag-extend nang mag-extend at bumalik nang bumalik," pahayag niya.

Ang isang residente na si Regine na may kainan sa El Nido, ikinuwento na nagsusuot pa noon ng sumbrero si John Lloyd kapag kumakain.

Pero nang tumagal, wala na siyang suot na sumbrero at nakikipag-usap na sa mga taon.

Hindi rin makalimutan ng isang residente nang una niyang makita ang aktor na nahihiya pa siyang magpa-picture.

Ang aktor na raw ang nagsabi sa kaniya kung nais niyang magpakuha ng larawan.

"Nagpa-picture po kami tapos sobrang approachable niya. Nakausap pa namin siya sa phone kasi binigay niya number niya," ayon kay Fatimah, another resident.

Pagdating sa relasyon, tinanong kung bakit tila kabaligtaran ang nangyayari sa tunay na buhay niya na hindi nakakatuluyan ang nobya, habang sa mga proyekto ay ideal boyfriend ang karakter niya.

Aminado si JL na mahirap sagutin kung bakit ganun ang nangyayari.

"Pero ang maganda don, totoo yung buhay ko. Hindi siya buhay ng isang pelikula lang," aniya JL.

Samantala, sa pagbabalik-tanaw ni John Lloyd bago siya magpahinga sa showbiz: "Importante rin 'yung may tama kang motivation habang sinusuong mo 'yung daan doon sa hinahanap mo... hindi ko nabantayan 'yung kapit ko sa sarili ko, sa kung ano 'yung mga prinsipyong pinapaniwalaan ko."

—FRJ, GMA News