Hindi biro ang pinagdaanan ni Kelvin Miranda sa kaniyang mental health matapos siyang ma-diagnose na may Bipolar I at post-traumatic stress disorder (PTSD) with attention deficit hyperactivity disorder (ADHD) noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic.

Ngunit napagtagumpayan niya ito sa tulong ng kaniyang pamilya at mga malalapit sa kaniyang buhay.

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabi ni Kelvin na naging mahirap ito sa kaniyang tanggapin noong una.

"Hindi ko po agad siya kinonsulta, parang tina-try ko pa siyang i-manage sa sarili kong paraan, hanapin kung ano ang reason kung bakit nagkakaganoon," kuwento ni Kelvin.

Matapos magpasuri sa mga eksperto, unti-unting natanggap ni Kelvin ang kaniyang kondisyon, at naging bukas dito para mas maintindihan ng mga tao na nakapaligid sa kaniya, lalo ang kaniyang pamilya.

"Tinanggap naman nila at sinusuportahan nila ako at mas ginagabayan nila ako ngayon sa mga ginagawa ko," ani Kelvin.

Maliban sa therapy at moral support, pinakamalaking tulong kay Kelvin ang acceptance at self-love para makapag-cope at mapatnubayan niya ang kaniyang sitwasyon.

Priority din ni Kelvin ang kaniyang sarili.

Naghahanda na si Kelvin sa muli niyang pagsabak sa lock-in taping para sa upcoming Kapuso drama series na "Unica Hija" kung saan makakapareha niya si Kate Valdez.

Mapapanood din si Kelvin sa GTV sitcom na "Tols," at may pelikula kasama si Beauty Gonzalez.

Feeling blessed si Kelvin na sunod-sunod ang kaniyang projects at endorsements.

Payo ni Kelvin sa mga tulad niyang may pinagdadaanan, huwag mahihiyang humingi ng tulong.

"Humanap lang kayo ng mga taong mapagkakatiwalaan at mga tamang suporta para sa inyong pinagdadaanan," sabi ni Kelvin. – Jamil Santos/RC, GMA News