Tumulo ang luha ng mga host ng "Eat Bulaga" at maging ng ibang mga nanonood dahil sa paghanga sa ipinakitang katatagan ng magkapatid na batang kambal na may kapansanan, na napiling mabigyan ng regalo sa segment na "G sa Gedli."

Sa naturang episode, si Betong Sumaya ang nakasama ni Isko Moreno sa paghahanap ng masuweteng mapipili sa naturang segment sa Valenzuela City.

Natiyempuhan nina Yorme at Betong ang kambal na sina Jayro at Jaymar, na nagbabantay sa maliit nilang tindahan ng bulaklak, kandila at iba pa, habang wala ang kanilang mga magulang.

Kaagad napansin ni Betong na tila may problema sa mga paa ni Jayro bagaman nakakatatayo at nakakalad ang binatilyo.

Ayon kay Jayro, taglay na niya ang kapansanan sa paa nang isilang siya, habang hindi naman nakalalakad ang kaniyang kakambal na si Jaymar, na nakaupo sa loob ng tindahan nang sandaling iyon.

Pero sa kabila ng kanilang kapansanan, patuloy naman na nag-aaral ang magkapatid. Grade 7 na si Jayro habang, grade 4 naman si Jaymar.

Dahil na rin sa kalagayan ni Jaymar, sinabi ni Jayro na binubuhat ng kanilang ama ang kaniyang kakambal kapag papasok sa eskuwela.

Nang malaman ni Isko na walang wheelchair si Jaymar, pinagkalooban niya ito ng P7,000 na handog ng Eat Bulaga para may maipambili sila ng wheelchair.

Bukod dito, binigyan din ng karagdagang P10,000 ang kambal para may dagdag na puhunan sa kanilang tindahan ang kanilang mga magulang.

Pero hindi na kinaya ng mga dabarkads ang pagiging palangiti ng kambal sa kabila ng kanilang kalagayan, at pagiging positibo nila sa buhay.

Ayon kay Jarmar, pangarap niyang maging engineer at maipagpatayo ng bahay ang kaniyang mga magulang.

Nang sabihin ni Isko kay Jaymar na magkakaroon na siya ng wheelchair, sinabi ng bata na magsisikap siya na maging magaling na engineer.

Ayon kay Isko, maraming rin nanonood at kabataan ang may kinakaharap na pagsubok sa buhay at naniniwala siyang nakapagbibigay ng inspirasyon ang kambal.

"Sana po pagbutihan nila kasi maraming challenges [sa buhay]," sabi ni Jayro.

Dugtong naman ni Jaymar, "Walang haharang sa inyo, pagbutihin niyo lang. Walang makakapigil sa inyo. At baka bigyan ka pa ng biyaya ng Diyos para makatulong sa inyong pangarap."

Sa comment ni Yorme sa post ng video na ito, inihayag ng dating alkalde na, "Walang susuko sa buhay dahil walang imposible sa Diyos. Kasama natin Siya in every season of our lives, naririnig niya ang ating mga panalangin kaya never stop praying and believing." --FRJ, GMA Integrated News