Sa harap ng mga espekulasyon, sinabi ng TV host na si Boy Abunda na hiwalay na nga sina Bea Alonzo at Dominic Roque.

Inihayag ito ni Tito Boy sa kaniyang programang “Fast Talk with Boy Abunda” ngayong Martes.

“Ako’y nalungkot ho talaga dahil madalas, ‘pag nagkikita kami ni Bea ay nagkakakwentuhan ho kami tungkol sa buhay, tungkol sa kanila, their marriage plans, etcetera. So, I was shocked,” ayon kay Tito Boy.

“As we talk today, yes, hiwalay po si Dominic at tsaka si Bea,” dagdag pa niya, pero walang ibinigay na dahilan ng paghihiwalay ng dalawa. “They are trying to understand each other. But they are going through a rough patch.”

Isang source pa ni Tito Boy ang nagsabing sinauli umano ni Bea ang engagement ring nila ni Dominic.

Gayunman, sinusuyo pa ni Dominic si Bea. Base sa kaniyang “good sources,” nagkakausap pa ang dalawa.

Una rito, naging matipid si Bea sa pagsagot sa mga tanong tungkol sa plano nilang kasal ni Dominic nang matanong siya sa isang event kamakailan.

Naging engaged sina Bea at Dominic noong July sa Las Casas Filipinas de Acuzar sa Quezon City. Taong 2021 nang maging magkarelasyon ang dalawa,

Nitong nagdaang holiday break, bumiyahe ang dalawa sa Sapporo, Japan at sinelyohan pa nila ang kanilang pagmamahalan sa Mount Moiwa.

 

 

FRJ, GMA Integrated News