Comedy King Dolphy, ilang beses nang ‘namatay’ sa maling balita
Isa na siguro ang Comedy King na si Dolphy sa mga celebrity na maraming beses nang iniulat na “namatay" sa maling balita. Katunayan, sa isang panayam sa beteranong aktor noong 2010, nakiusap siya na huwag naman sana siyang apurahin. Sa artikulong isinulat ni Nerisa Almo sa Philippine Entertainment Portal (PEP) noong 2010, ikinuwento ng batikang aktor na idinadaan na lang niya sa biro ang mga balitang namatay siya. "Talagang ang daming pumapatay sa akin. Bakit nag-aapura kayo? Darating tayo diyan," pahayag niya. "Madalas 'yon. Ilang taon na 'yan. Minsan sa Hong Kong nakalagay sa front page, 'Dolphy dead.' Yumuyuko ako sa kotse. Sabi ko, 'Huwag tayong makita ng mga tao, patay na ako.' 'Yon pala, kapag binuksan mo ang diyaryo ulit, 'Or alive.' Maraming beses na akong pinatay," kuwento pa niya. Sabi pa ni Dolphy, ang inaalala niya noon sa mga maling balita na pumanaw na siya ay ang kanyang mga anak na nasa ibang bansa na baka labis na mag-alala. Halos taun-taon, hindi nawawala ang balitang pumanaw na ang batikang aktor. Naulit ang maling balita sa pagpanaw ng comedy king dahil daw sa sakit noong Agosto 2011 na kumalat sa Twitter. Kaagad namang pinabulaanan ng life partner ni Dolphy na si Zsa Zsa Padilla ang naturang balita nang panahong din iyon. Lalo namang napadalas ang pagkalat ng balitang pumanaw na ang beteranong aktor pagsapit nitong 2012. Ilang linggo matapos ipahayag ni Epy Quizon na may karamdaman ang kanyang ama at mahina noong Marso 2012, nasundan na ito ng pagkalat ng maling balita na pumanaw na o 'di naman kaya ay kritikal ang lagay ng hari ng komedya. Kaya noong Abril 2012, nagpaunlak ng panayam sa isang network si Dolphy para lang patunayan na buhay siya. Pagsapit nitong Mayo, inamin ni Zsa Zsa sa isang panayam na bagaman tinatawanan na lang nila ang mga maling balita, may pagkakataon din naman na napipikon siya. Kahit nang maratay sa Makati Medical Center si Dolphy simula noong June 9, hindi pa rin nawala ang mga maling balita tungkol sa kalagayan ng comedy king. Kaya naman ang kanyang mga anak lalo na si Ronnie Quizon, hindi na napigilan na maglabas ng galit laban sa mga taong nagkakalat ng maling balita tungkol sa tunay na kalagayan ng kanilang ama. At nitong Martes, July 10, dakong 8:34 p.m., makaraan ang isang buwan mula nang maospital, nagkatotoo ang matagal nang maling balita... ang pagpanaw ng hari ng komedya sa edad na 83. -- FRJimenez, GMA News