ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Bam Aquino thinks cousin Kris Aquino could be a good public servant


Naniniwala si Paolo Benigno "Bam" Aquino IV na magiging mahusay na lingkod-bayan ang kanyang pinsan na si Kris Aquino sakaling pasukin din nito ang pulitika.

Aniya, tulad ni Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III, taglay din ni Kris ang mga katangian ng isang mahusay na lider tulad ng pagkakaroon ng malasakit sa tao.

"Alam mo kung malinis naman ang puso mo at gusto mo talagang manilbihan that already has the beginning of a good public servant," pahayag niya sa media sa matapos ang pangangampanya sa Cavite nitong Huwebes.

Basahin: Kris Aquino for VP sa 2016, tinawag na 'chika' ni Lacierda

Kasama si Bam Aquino sa 12 kandidatong senador ng administrasyong Aquino para sa darating na halalan sa Mayo.

Ang pahayag ni Bam ay reaksiyon sa isiniwalat ni retired Archbishop Oscar Cruz tungkol sa nasasagap nitong impormasyon na patatakbuhing bise presidente ng bansa si Kris pagkatapos ng termino ni PNoy bilang pangulo sa 2016.

Pakiusap ni Cruz, kung hindi totoo ang nasagap niyang impormasyon, mabuti pang itanggi na ito ngayon ng kampo ng controversial TV host-actress para matigil na ang espekulasyon. Kung hindi naman, lilitaw na may pahintulot na palutangin ang pangalan ng bunsong kapatid ng pangulo.

Paliwanag pa ni Bam, hindi nila napag-uusapan ng kanyang pinsan na si Kris ang naturang usapin, at higit na makabubuting manggaling sa aktres ang anumang paglilinaw tungkol sa isyu.

"To be very frank, si Ate Kris naman said na gusto niyang manahimik muna. Kung hindi ako nagkakamali yung news item na yan sinabi ni  Archbishop Cruz na narinig niya from unnamed source so palagay ko ang maganda allow nalang natin si Ate Kris na manahimik muna," paliwanag ni Bam nang hingan ng komento ng media.

Basahin: Kris Aquino, tatakbo nga bang Vice President sa 2016?

"Sabi naman niya she wants to get out of the lime light, concentrate on her family so bigyan na lang natin siya ng oras na maging tahimik sa kanyang buhay," dagdag niyang pakiusap.

Sinabi pa ni Bam na kahit wala naman sa pulitika ay nagagawa naman daw ng kanyang pinsang si Kris na tumulong sa ibang tao.

"Alam ko may puso siya na gustong tumulong sa mga tao, yung public service mismo, again wala pa siyang nababanggit sa akin, pero in terms of helping other people ginagawa naman nya yun," patuloy ng senatorial candidate.

Nasa ibang bansa ngayon si Kris at nagbabakasyon kasama ang kanyang dalawang anak.

Nitong Miyerkules, tinawag ni Presidential spokesperson Edwin Lacierda na "chika" ang natanggap na impormasyon ni Cruz, at pinasaringan din niya ang retiradong arsobispo ng pagiging "rumormonger."

“Some people, as they grow old, they become elder statesmen; some people when they grow old they become rumormongers. I don’t know why,” anang opisyal. - PRP/FRJ, GMA News




Tags: krisaquino