ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Kilalanin ang mga Pinoy celebrities na kaibigan ng kalikasan


Ngayong Lunes, Abril 22, ang Earth Day. Sa mundo ng showbiz, ilang artista at kilalang personalidad—Chinchin Gutierrez, Geneva Cruz, Bianca Valerio, Yasmien Kurdi, Marc Nelson, at Rovilson Fernandez— ang tumutulong upang alagaan ang kapaligiran hindi lang ng Pilipinas kundi maging ang buong mundo. Mga embahador para sa kapaligiran Ang magkaibigang sina Rovilson Fernandez at Marc Nelson ay kasalukuyang Philippine National Ambassadors ng World Wide Fund for Nature. Ayon kay WWF vice-chairman at CEO Jose Ma. Lorenzo Tan sa opisyal na website ng WWF, "Marc and Rovilson have experienced firsthand the biodiversity of our reefs and have seen many that are under threat. They know just how crucial it is for organizations like us to intervene to preserve and protect our natural reefs and our marine life, as well as to support the communities that depend on them for their livelihood." Kabilang sa mga pakay ng grupo ang sumusunod: 1. Preserving genetic species and ecosystems diversity 2. Ensuring that the use of renewable natural resources is sustainable. 3. Reducing pollution and wasteful consumption of resources and energy. Para kay Mali Samantala, noong Pebrero, nagsama-sama ang mga artista at modelong sina Bianca Valerio, Amanda Griffin Jacob, Geneva Cruz, Daiana Menezes, Sheena Vera Cruz, Mia Ayesa, Julia Sniegowski, Ornusa Cadness, Isabella Gonzalez at Sanya Smith para sa kampanya ng People for the Ethical Treatment of Animals (PETA) na ilipat si Mali, ang elepante, mula sa Manila Zoo sa isang santuwaryo sa Thailand. Sa litrato, nagmistulang hubo't hubad ang mga modelo at tinatakpan ang maseselang bahagi ng kanilang katawan ng katagang "Naked Truth: Mali the Elephant Is Suffering." Sa ngayon, nananatili pa rin si Mali sa Manila Zoo. May ilang PETA beauties din na lumabas na sa mga poster na nagsusulong ng pagiging vegetarian, na adbokasiya ng organisasyon, tulad nina Geneva Cruz, Sandra Seifert, at Ornusa Cadness. Richard Gutierrez para sa Greenpeace Samantala, mapapansin din sa mga palabas ng Kapuso star na si Richard Gutierrez para sa GMA News and Public Affairs tulad ng "Pinoy Adventures" (2012) at "Oras Na" (2011) ang hilig nito sa pagtuklas sa mga likas yaman ng bansa. Kaya naman, noong nakaraang taon. ipinagkaloob ng Pampelikulang Samahan ng mga Dalubguro o PASADO Awards kay Richard and parangal para sa "Kamalayang Panlipunan" para sa kanyang 2011 environmental documentary na "Oras Na." Kasama niya sa naturang parangal si Kim Atienza. Noong 2007, sumama sa kampanya ng Greenpeace, isang organisasyon na sumusulong na protektahan ang kapaligiran, ang sikat na aktor-TV host.

Sustainable lifestyle Ang aktres na si Chin-Chin Gutierrez naman ay isa sa pinakakilalang environmentalist sa bansa. Noong 2006, nagtayo ito ng environmental foundation, ang Alaga LAHAT, isang organisasyon na sumusulong sa pagtaguyod ng ecological wellness at sustainable lifestyles. Siya ang founding chair at presidente ng organisasyon. Sa kasalukuyan, patuloy na dumarami ang bilang ng mga kilalang personalidad sa bansa na tumutulong sa pagsulong at paggamit ng kanilang kasikatan upang magbigay mensahe sa mga mamamayan ukol sa ating kapaligiran. — BM/YA, GMA News