WATCH: ‘StarStruck’ alumni tease new season with theme song ‘Dream, Believe, Survive’
Nakisali sa pag-aabang sa panibagong season ng Philippine reality talent search ng GMA na “Starstruck” ang mga alumni ng naturang show, gaya na lamang nina Jennylyn Mercado at Mark Herras, na itinanghal na ultimate male and female survivors sa kauna-unahang season ng “Starstruck” noong 2003.
Sa isang teaser video, makikitang inaawit ang “Dream, Believe, Survive” theme song ng ilan sa mga Kapuso artists ngayon na dumaan sa matitinding pagsubok ng reality search upang matupad ang kanilang mga pangarap.
Makikita sa video sina Jennylyn at Mark, pati na sina Sef Cadayona, Jackie Rice, Mike Tan, Ryza Cenon, Bea Binene at Miguel Tanfelix ng Starstruck Kids, Kris Bernal, Sheena Halili, Chariz Solomon, Rocco Nacino at iba pa.
Matatandaang nagsimula ang “StarStruck” noong 2003, at nagkaroon ng limang season hanggang 2010.
Ilan pa sa mga kilalang Kapuso artists ngayon na nagsimula sa naturang reality search sina LJ Reyes, Yasmien Kurdi, Aljur Abrenica, Sarah Lahbati, Enzo Pineda, Diva Montelaba, Steven Silva, at marami pang iba.
Hindi naman maitago ng mga alumni ang kanilang excitement para sa mga susunod na batch na sasalang sa matinding training ng reality talent search.
"I'm sure may mga bagong pakulo, may mga bagong ihahain ang GMA. Excited din akong makita yung mga bagong nilang contestants," ayon kay Jennylyn sa mga naunang pahayag.
Ang tip pa ng aktres at 2015 FHM Sexiest Woman in the Philippines sa mga gustong sumali sa "StarStruck," "Lakas ng loob at saka gusto talaga nila yung ginagawa nila, hindi yung napipilitan lang sila na kumanta, sumayaw, umarte. Kailangan talaga mahal nila yung craft nila."
Nakatakdang ipalabas ang Season 6 ng “StarStruck” ngayong taon, at magiging host nito sina Kapuso Primetime King and “Pari 'Koy” star na si Dingdong Dantes, at 2013 Miss World and “Mari Mar” star na si Megan Young. — Bianca Rose Dabu/BM, GMA News