Kilalanin ang 'GAYA Boys,' ang magiging karibal ng 'Meant To Be' leading men
Inaabangan na ng marami ang nalalapit na pagpapakilala sa bagong heartthrobs na magpapakilig sa Kapuso Primetime series na “Meant To Be” tuwing gabi—ang “GAYA Boys.”
Kabilang sa mga bagong karakter sa serye sina Matthias Rhoads bilang Gordon Smith, Vince Vandorpe bilang Calvin “Avi"Jacobs, Dave Bornea bilang Andrew Zapata, at Carl Cervantes bilang Alexander “Yexel” Smith.
“Isang gentleman na mahilig sa extreme sports” ang paglalarawan kay Gordon, habang si Vince naman ang quiet type, music lover, at “Half-Belgian, half-chocolate sa ka-sweetan ng personality.”
Inilarawan naman si Andrew bilang isang only child na “medyo spoiled at happy-go-lucky,” habang half-brother ni Gordon na “lumaking may inferiority complex” naman ang paglalarawan kay Yexel.
Makakaharap ng “GAYA Boys” sa sinusubaybayang Primetime series ang “JEYA Boys,” o sina Jai, Ethan, Yuan, at Andoy, ang original leading men ng serye na binibigyang-buhay nina Addy Raj, Ivan Dorschner, Ken Chan, at Jak Roberto.
Unang nakilala sa “Starstruck 6” sina Dave at Carl, habang mga kilalang modelo naman sina Vince at Matthias.
"Exciting po kasi it's a great opportunity po na makapasok kami sa teleserye, and nakaka-excite lalo na makatrabaho 'yung apat na guys and si Barbie [Forteza]," ayon kay Dave sa naunang panayam.
Dagdag ni Carl, "Sobrang excited ako and for us, actually, it's just enjoying, nag-e-enjoy lang po kami. Sana mag-enjoy din yung audience sa mga gagawin naming kung ano-ano."
Abangan ang nalalapit na paghaharap ng "GAYA Boys" at "JEYA Boys" sa hit Kapuso Primetime series na "Meant To Be." —KG, GMA News