Filtered by: Showbiz
Showbiz

PEP: Mocha members file libel case vs tabloid


Tuluyan nang kinasuhan ng libel ng dalawang miyembro ng all-female group na Mocha na sina Mocha Uson at Hershey delas Alas ang pahayagang Pinoy Parazzi dahil anila'y hindi na nila puwede pang palampasin ang pambabastos na ginawa sa kanila ng naturang pahayagan. Kasama ang kanilang abugado na si Atty. Rado Dimalibot, isinampa nina Mocha at Hershey ang kasong libel kontra sa Pinoy Parazzi at sa mga officers at staff nito kahapon, September 11, sa Office of The City Prosecutor ng Quezon City. Nag-ugat ang kasong ito dahil sa malisyosong paratang diumano ng Pinoy Parazzi sa mga miyembro ng grupo bilang mga lesbiyana. Sa tatlong issues ng naturang pahayagan ay lumabas ang mga litrato ng grupong Mocha na kuha sa isang private party ng naturang all-female group. Kita sa mga nasabing larawan ang malinaw na paghahalikan nina Mocha at Hershey na nagresulta sa pagkakakuwestiyon ngayon sa kanilang pagkababae at katauhan, kung saan sa isang issue ng naturang tabloid ay tahasan pa silang tinawag na mga lesbian. Hindi itinanggi nina Mocha at Hershey ang nangyaring halikan ngunit laking-gulat nila nang kumalat ang mga naturang larawan dahil ayon sa kanila, "girls nightout" sa isang pribadong resort sa Laguna kuha ang mga ito ilang linggo lang ang nakararaan. Labis ding ipinagtataka ng grupo kung paano sila nakunan at kung paano nailabas yun ng Pinoy Parazzi. Wala naman daw sa kanilang grupo na kumukuha ng litrato that time, lalo pa nga't puro babae silang magkakasama noon. Kaya imposible raw na isa sa mga kagrupo nila ang gagawa noon at ibibigay pa sa tabloid para ilathala. Hindi na raw nila pwedeng palampasin ang kontrobersiyang ito dahil apektado na pati ang kanilang mga pamilya at kaibigan bunsod ng mga negatibong paratang na kanilang naririnig bunga ng "malalaswang larawan" na inilabas ng anila'y mapanirang tabloid. Para matapos na ang paninira umano sa kanila ng Pinoy Parazzi ay nag-file na nga sina Mocha at Hershey ng kasong libel kontra dito. "Unang-una wala kaming ginagawang masama. Pangalawa, kailangan siguro kapag inaapi ka na, dapat ay ipagtanggol mo naman ang sarili mo. Hindi naman pwede yung hayaan mo na lang na mabastos ka ng ganun-ganun. Sa totoo lang mas madali para sa amin na tumahimik na lang kami, mag-relax na lang kami, hayaan na lang namin sila. Pero, why are we going through all these painstaking process, pati yung pressure? Gusto lang naming ipagtanggol yung mga sarili namin," may diin na pahayag ni Mocha sa panayam ng PEP (Philippine Entertainment Portal), matapos ang kanilang pagpa-file ng kaso. "Naiyak po kami dahil pinaratangan kami na lesbians," maluha-luhang sabi naman ni Hershey. "Wala po kaming sinasabi na against kami sa mga lesbians. Wala rin kaming sinasabi na masama yung pagiging lesbian. Actually, may mga kaibigan po kaming lesbians. Pero hindi po talaga kami lesbians." Dagdag pa ni Mocha, "At saka yung feeling po namin na may namboso sa amin sa isang pribadong lugar, yun ang pakiramdam namin na na-invade yung privacy namin. Hindi lang po yun, e. Ang mas disturbing, lumabas pa sa Pinoy Parazzi. At hindi lang isang beses nila ginawa. Tatlong beses, tatlong issues yung lumabas na sinasabing lesbians kami." Hiningan din ng PEP ng pahayag si Atty. Dimalibot tungkol nga sa isinampa nilang kaso. "Nilapitan nga ako nina Mocha to help them sa legal process. We just filed for a criminal case. Libel nga ang kasong isinampa namin against the officers of the publication including the publisher, editor-in-chief, managing editor, creative director and circulation manager. This is just the start of the cases we intend to file. We're still discussing nga about the civil cases. Because when you file for civil liability, we have to quantify in monetary amount yung mga damages that have been caused. "We are not in a rush to file civil liability. In fact naman sa batas, once you filed a criminal complaint, deemed filed na rin naman yung civil liability unless you reserve it in court. So there's really no hurry. "But kung mapapansin nyo yung na-file naming criminal complaint, doon lang sa mga officers muna, kasi meron pa kaming balak i-file against certain individuals. We are still accumulating information because we believe na imposible na yung Pinoy Parazzi lang by themselves ang nakakuha ng larawan. There should be one or two persons who are actually the real source of the pictures. We intend to file additional cases pa rin." Ayon naman sa manager ng Mocha na si Byron Cristobal, "Ang sa akin lang ibang usapan na ito, pambababoy ito. Ilalaban talaga namin ito, to the point na gusto naming maipasara yung publication. Kaya gusto rin naming lumapit kay Mayor Alfredo Lim, para humingi ng tulong. Kasi nasasakupan niya ang Manila kung saan nandun ang office ng Pinoy Parazzi. "Actually, just recently nung mabawasan ng isang member ang Mocha, si Bambie, sa amin malaking dagok na yun. Kasi hinahanap siya ng mga fans, e. ‘Tapos may dadating pang ganitong pambabastos sa grupo. Huwag naman nila kaming tapak-tapakan." Paano nakaapekto sa kanila ang isyung ito? "Sa mga pamilya po namin. Sa mga kaibigan po namin. Syempre apektado po sila. ‘Bakit ganun, bakit ganyan?' Pati po yung mga followers namin, nagtatanong po sila. Pero marami pa rin naman ang sumusuporta. At nagpapasalamat po kami sa kanila," sey ni Hershey. After lumabas ang isyung ito ay nakapag-perform na ulit sila sa mga shows nila. Pero ano ang reaksyon ng mga tao ukol sa isyu? "Meron pong mga tao na hindi nagustuhan yung mga nakita nila. Meron din po na patuloy na sumusuporta po sa amin. Sa mga nakaraang shows po namin, akala po namin mawawalan po ng mga tao, e. Pero dumami po yung mga nakikiisa po sa amin na nagsasabing, ‘Tama yan, ipagtanggol nyo yung pribado nyong buhay. Kahit na ganyan ang nangyari, tuloy pa rin ang suporta namin sa inyo.' Doon na lang po kami kumukuha ng strength sa mga taong sumusuporta sa amin," wika naman ni Mocha. Bakit hindi na sumama sa pagsasampa ng kaso ang iba pang members ng Mocha na sina Grace at Bez? "Dahil nga po sa isyung ito, naapektuhan po yung relationship nila with their parents, with their family, to the point na hindi na sila pinapayagang mag-appear sa mga presscon at interviews, parang it's too much for them to take. Pero tuluy-tuloy pa rin po ang pagpe-perform namin as a group," say ni Hershey. Dagdag pa ni Mocha, "Kasi kaming dalawa po yung pinaka-involved po, e. Picture po namin ni Hershey yung lumabas na naghahalikan. Wala naman pong malice sa amin yung halikan na yun. It's a friendly kiss." "Yung paghahalikan na ganyan, it's actually a very private matter," reaksyon naman ni Atty. Dimalibot. "And their privacy was actually intruded, but ang mas mahalaga when we filed a criminal complaint for libel is that, malice was put sa ganung private act, and it was done publicly by Pinoy Parazzi. Ibig sabihin, yung pagkakuha na nga nung picture is malicious, yung pagpa-publish pa nito is all the more malicious. "Kasi pinapalabas dito, including the articles that boldly said my clients are lesbians, na the truth and fact is hindi naman. They are just young girls having fun na minsan lang lumabas. "Ang tinitingnan pa naming anggulo is that they [Pinoy Parazzi] are paying for contributions ng pictures. All the more that there is malice because they did it for money. "Pero alam nyo, isang point na gusto kong i-emphasize, even the Supreme Court issued a memorandum circular to all the judges na halos tinatanggal na yung imprisonement sa libel, e. They are encouraging the judges to just impose fine. Okey lang sa amin yun kasi hindi naman ang pagkukulong sa mga tao sa Pinoy Parazzi ang gusto naming, e. We want to fight for my clients' rights and for them to be vindicated. Sila yung biktima dito so hindi talaga ito publicity stunt." Talking about publicity stunt, ano ang reaksyon nina Mocha sa intrigang gimik lang ang lahat nang ito para sila mapag-usapan? "Unang-una po, hindi po ito gimik," ani Mocha. "At saka nakakapagod naman pong proseso ito. Kaya nga po gusto na naming tuldukan ito. Gusto naming ipakita sa mga taong nagsasabing isa itong gimik, na ganito kami kaseryoso, to the point na nag-file kami ng kaso." Say naman ni Hershey, "At saka kung gimik lang, e, di sana naghubad na lang kami sa publiko. Yun ang gimik, ‘di ba? Kawawa naman po yung mga pamilya namin at mga kaibigan na naapektuhan din ng isyu na ito.Hindi po namin sisirain yung dignity po namin kung gimik lang ito." Did they talk to the owner of the place where they held their party na may nangyaring ganun? E, supposed to be, private place yun na may private party. Bakit nagkaroon ng photographer? "Candidly we have done that. But we are not suspecting the owner or the caretaker. They are the last people in mind," pahayag ni Atty. Dimalibot. So, kailan magsisimula ang hearing ng kasong ito? "The case will eventually be raffled off so right now hindi pa namin alam kung sino ang hahawak na prosecutor. But we will know in due time, by next week siguro. Ordinarily naman they will ask for the officers of Pinoy Parazzi to file their counter-affidavit first. Mabilisan din naman ito, after filing their counter-affidavit, we will react to them. Siguro 30 to 50 days maghi-hearing na ito," paliwanag ni Atty. Dimalibot. Para kina Mocha at Hershey, bagama't may ganitong kaso at isyu, tuluy-tuloy pa rin ang buhay nila pati na ang pagpe-perfrom nila. "Tuluy-tuloy pa rin po. Mas masaya po kami ngayon na nakapag-file na kami ng kaso. We're trying to prove our point here kasi po hindi po namin pwedeng palampasin yung pambabastos po ng Pinoy Parazzi po sa amin," huling sabi pa ni Mocha. - Philippine Entertainment Portal

Tags: lesbian, mocha