ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

OPINION: Ask Atty. Gaby: Usapang panlilimos


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Mga Kapuso! Itong pag-uusapan po natin ngayon, maraming naantig online.

Isang lolo na tumutugtog ng harmonica para may pambili ng pagkain ng kaniyang apo, kinulong!

Inaresto po ang 68-taong gulang na lolo na ‘yan dahil nilabag daw kasi niya ang ordinansa kontra-panlilimos ng lungsod.

Kalaunan, pinalaya rin ang lolo matapos payagan ng korte ang application for release on recognizance nito. Ibig sabihin, hindi na siya pinagpiyansa ng korte.

Pero pinahaharap pa rin siya sa preliminary conference.

Komento ng marami rito, bakit ang panlilimos, nakukulong agad samantalang ang mga magnanakaw at kurakot sa gobyerno, malaya pa rin?

Pag-usapan natin ‘yan! Ask me! Ask Atty. Gaby!

Atty., naaresto ang lolo dahil sa City Ordinance No. 1631 ng Cebu City o ang Anti-Mendicancy Ordinance ng lungsod. Ano po ba ang ibig sabihin nito?

Meron kasing City Ordinance No. 1631 ang Cebu City na ipinagbabawal ang panlilimos sa mga pampublikong lugar.

Layunin daw nito na mapanatili ang kaayusan at maiwasan ang pagdami ng mga namamalimos sa lansangan.

At sa ordinansang ito, may multa ng P1,000 at posibleng kulong o community service.

Kung tutuusin, hindi naman bago ang ganitong batas dahil ilang dekada na rin tayong may Anti-Mendicancy Law o ang Presidential Decree 1563 na ipinagbabawal ang organized o habitual na pamamalimos. Pero mas nakatuon ang batas na ito sa rehabilitasyon at pagtulong, hindi agad sa pagpaparusa.

Lalo na ngayon na meron tayong Republic Act 11291 o ang Magna Carta for the Poor. Ang intensyon ng batas ay hindi para basta ikulong ang mahihirap, kundi dapat mabigyan sila ng intervention o assistance mula sa gobyerno – lalo na kung ito ay mga senior citizen o mga PWD.

Of course, ayaw natin ang mga sindikato na gumagamit ng mga indigenous people, mga sanggol at mga PWD na nang-aabuso sa generosity at magandang asal ng mga tao para makakubra ng pera. Ang mga sindikatong ito – sila ang dapat lamang na arestuhin at ikulong agad.

Ayaw din natin sa mga taong malakas naman ang katawan, pero ayaw magtrabaho at magbanat ng buto at mas gusto na lamang na umupo sa isang tabi at humingi ng limos.

'Yang mga 'yan ang dapat na hinahabol ng batas at aarestuhin. Actually sa ilalim ng PD 1563, 'yang mga 'yan ang mga dapat na hinuhili sa panlilimos – 'yung mga puwedeng magtrabaho pero ayaw magtrabaho at manlilimos na lamang.

So paano na lamang si lolo na ayon sa kuwento, ay tumutugtog ng harmonica para may pambili ng pagkain ng apo niya? Hindi ba't parang mas mukhang paghahanapbuhay iyon kaysa simpleng pamamalimos lamang?

Sixty-eight years old na si lolo. Ang mandatory retirement age nga ay 65 years old. Pero si lolo, 68 na – at namomroblema pa rin siya kung paano pakakainin ang apo niya. Kahit gustuhin niya, malamang ay wala nang makukuhang trabaho 'yan!

Pag-aaresto ba ang sagot sa ganitong sitwasyon? Paano nga kung talagang nangangailangan at walang makain ang senior citizen na si lolo, at ang menor de edad na apo? Mag-aantay ba kung kailan may institutional na pa-feeding program ang local government o ang simbahan?

Hindi porket may umiiral na ordinansa na puwedeng arestuhin si lolo ay dapat arestuhin na agad. In fact, sa ilalim ng Magna Carta sa Republic Act 11291, dapat ay may intervention program o tulong na ibibigay ang LGU, lalo na nga kung senior citizen ang involved.

Sa ngayon, pinalaya daw si lolo pero actually, hindi naman tunay na malaya. Imbes na pinagbayad ng piyansa o bail, ni-release siya on recognizance.

Pinakawalan siya sa pangako na magpapakita siya sa preliminary conference kung saan titingnan kung may violation nga o hindi ng city ordinance at kung dapat nga ay inaresto siya. So hindi pa tapos ang kanyang problema with the LGU.

Ang batas po, hindi dapat ginagamit para lang parusahan ang mahihirap. Ang blind application ng mga batas natin ay hindi hustisya – in the same way, na marami tayong mga pulitiko, mga kawatan, mga magnanakaw, na ginagamit ang batas para makawala at patuloy na makaalpas sa tunay na parusa.

Ang tunay na diwa ng batas ay protektahan ang tao lalo na iyong walang ibang malapitan sa oras ng pangangailangan.

Ngayon ay kung mabilis tayong maghigpit sa mahihirap na tulad ni lolo, sana ay ganu'n din tayo kabilis maningil ng pananagutan sa mga totoong umaabuso sa bayan at kaban ng bayan natin!

Ang mga usaping batas, bibigyan nating linaw. Para sa kapayapaan ng pag-iisip, huwag magdalawang-isip. Ask me, ask Atty. Gaby!