May bagong mungkahi ang US Labor Department para higpitan ang isang green card program na nagbibigay-daan sa mga skilled foreign worker na makakuha ng permanenteng residency sa Amerika. Ito ang pinakabagong hakbang ng administrasyong Trump upang higpitan ang legal immigration.

Ginagamit ng malalaking kompanya sa teknolohiya at outsourcing sa Amerika ang Permanent Labor Certification program o PERM upang makakuha ng employment-based green card para sa kanilang mga dayuhang empleyado.

Sa pamamagitan nito, maaaring lumipat ang mga manggagawa mula sa pansamantalang employment status tungo sa permanenteng paninirahan sa US.

Bago tumanggap ng dayuhang manggagawa, kailangan munang patunayan ng mga kompanya na walang kuwalipikado at available na mga manggagawa sa Amerika para sa bakanteng posisyon.

Kailangan din nilang tiyakin na hindi maaapektuhan ang sahod at kondisyon sa pagtatrabaho ng mga Amerikano na may kaparehong trabaho sa pagkuha ng dayuhang empleyado.

Sa ilalim ng iminungkahing malawakang pagbabago sa programa, kakailanganin ng mga employer na magsagawa ng mas maraming hakbang upang patunayang hindi maaapektuhan ang mga manggagawang Amerikano sa pagkuha ng dayuhang empleyado.

Palalawakin din nito ang nasabing requirement sa mga trabahong dati nang hindi saklaw ng patakaran dahil itinuturing na kulang ang suplay ng mga manggagawa sa mga larangang ito. Kabilang dito ang mga propprofessional nurse at mga siyentistang may pambihirang kakayahan.

Ang naturang hakbang ang pinakabagong pagtatangka ni US President Donald Trump na higpitan ang naturang programa, bilang bahagi ng mas malawak na hakbang ng kanyang administrasyon na bawasan ang bilang ng mga dayuhang naninirahan sa US. Pati na ang paglimita sa kanilang mga oportunidad na makakuha ng permanenteng residency, at maging mamamayan ng US.

Noong Oktubre, hinarang ng US government ang ilang malalaking kompanya ng teknolohiya sa paggamit ng PERM. Kabilang dito ang software maker na Adobe, malalaking IT outsourcing company, at Microsoft, na may pinakamaraming inihahaing aplikasyon para sa permanenteng labor certification sa ilalim ng programa, batay sa datos ng Labor Department.

Sa panukalang pagbabago na inihain ng Labor Department nitong Lunes, kakailanganin ding gawing moderno ng mga employer ang kanilang paraan ng recruitment upang matiyak na naaabot nila ang “broadest pool of high-quality US workers." Kabilang dito ang paggamit ng electronic job advertisements sa halip na mga nakaimprentang anunsiyo.

Hindi na rin papayagan ang mga employer sa US na humingi ng PERM certification para sa mga dayuhang manggagawa sa loob ng dalawang taon matapos silang magtanggal ng mga Amerikanong empleyado na may kaparehong trabaho.

Ilalathala sa federal registry sa Martes ang panukala, na sasailalim muna sa 60 araw na pampublikong konsultasyon bago ito ipapatupad.— ulat mula sa Reuters/FRJ GMA News