Binalikan nina Richard Reynoso at Chad Borja ang kanilang pinagdaanan sa pakikipaglaban sa thyroid cancer, at ang mga reyalisasyon sa buhay na kanilang natutunan matapos malampasan ang naturang sakit.
Sa programang “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Lunes, ibinahagi ni Chad na mula nang magkaroon ng naturang cancer, hindi na siya maaaring maging kampante pagdating sa kaniyang kalusugan.
Ayon sa “Yakap” singer na si Chad, natutunan niya ang desiplina sa sarili matapos ang naturang karanasan.
Ang naturang sakit din ang dahilan kung bakit ilan taon din siyang tumigil sa pagkanta.
“Nung nalaman ko na cancer, I cried for two hours in the room. Talagang iyak lang ako nang iyak,” kuwento niya.
Nakakaramdam daw siya noon ng lagnat at may nakapang bukol sa kaniyang lalamunan na dahilan para magpatingin siya sa duktor.
Sinabi naman ni Richard, na natutunan niya noon na tanggapin na mawawala na siya kung sadyang oras na niya.
Naisip din daw niya ang kaniyang pamilya kung sakaling hindi na ulit siya makakakanta at mawawalan na ng trabaho.
“Tinanong ko yung asawa ko, 'Honey kung hindi na ako makakanta, mabubuhay naman tayo di ba? May ipon naman tayo di ba? Ok naman tayo?' In-assure naman ako ng asawa ko na, 'Oo, ok tayo wala tayong problema. Kailangan lang gumaling ka,” kuwento ng Richard na kabilang sa mga hit song ang “Paminsan-minsan.”
Dahil din sa pangyayari, sinabi ni Richard na itinuturing niyang blessing ang bawat araw ng kaniyang buhay.
Natuklasan ang thyroid cancer ni Chad noong 1997, habang 2019 naman kay Richard.
Kabilang pa sa mga awitin ni Chad ang “Tulog” at “Ikaw Lang sa Habang Buhay.”
Samantala, ilan naman sa mga kanta pa ni Richard ang “Hindi Ko Kaya” at “Maaalala Mo Pa Rin.” —Nika Roque/FRJ GMA News
