ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Comedy King Dolphy, kritikal ang lagay, ayon sa anak


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Kritikal umano ang kondisyon ang beteranong aktor na si Dolphy. Ito ang inihayag ng kanyang anak na si Eric Quizon nitong Miyerkules. “Critical. Hemoglobin low. He needs B+ blood. Kidney has complications," pahayag ni Quizon sa text message na ipinadala kay Sandra Aguinaldo ng GMA News. Isinugod si Dolphy (Rodolfo Quizon sa tunay na buhay) sa Makati Medical Center noong Sabado, Hunyo 9, matapos siyang nahirapang huminga at bumaba ang potassium level. Nitong Martes, sinabi ni Quizon na bumuti na ang kalusugan ng kanyang ama bagaman nananatili pa rin sa Intensive Care Unit (ICU). Sinusubukan din umanong alisin ang respirator nito para malaman kung kakayanin na niyang huminga na mag-isa. Pero kinailangan daw na salinan ng dugo ang kanyang ama nitong Martes nang bumaba ang kanyang hemoglobin. Dati nang sakit ng beteranong aktor ang COPD o chronic obstructive pulmonary disease. Kahit nakahiga, nagagawa naman daw ni Dolphy na makipagkomunikasyon sa kanyang mga bisita sa pamamagitan ng facial expression. Hindi raw nakapagsasalita ang comedy king dahil may nakalagay sa bibig nito. Bagaman tumanggi si Quizon na magbigay ng phone patch o on-cam interview, nangako siyang magbigay ng update sa kondisyon ng kanyang ama. Ipagdiriwang ni Dolphy ang kanyang ika-84 taong kaarawan sa susunod na buwan. - Mandy Fernandez/FRJ, GMA News