ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Ilang HS students sa Pangasinan, sinaniban daw ng masamang espiritu


Ilang mag-aaral ng Flores National High School sa Umingan, Pangasinan ang sinasabing sinaniban ng masamang espiritu matapos ang flag ceremony nitong Lunes. Nitong Martes, isa sa pitong mag-aaral sa nabanggit na paaralan ang pumasok pero bigla na namang nawalan ng malay na pinaniniwalang indikasyon na muli itong sinaniban. Ganito rin umano ang naging sitwasyon noong Sabado. Ilang estudyante ang hindi na pumasok sa klase dahil sa matinding takot. “Kahapon, sunod-sunod after flag ceremony may nahimatay every minute sunod-sunod na," ayon sa isang guro. Ayon sa isang estudyanteng sinapian at itinago sa pangalang “Jay," nakakita siya ng ispiritu ng isang matanda, bata at babaeng nakaputi sa kanilang paaralan. “Pinagsalitaan ko, hinimatay ako.. paggising nagwala-wala ako… may nakita akong bata," kwento niya. Ayon sa mga guro, galing sa isang lumang bahay ang grupo ng 4th year students noong Sabado kung saan pinaniniwalaang nakabulabog sila ng ispiritu. Sinabi naman ng isang guro na hindi na nila alam ang kanilang gagawin at lubha silang naguguluhan sa nangyari. Kung hindi umano nila personal na nakita, posibleng hindi sila maniniwala tungkol sa sanib. Nag-imbita na rin sila ng pastor para magpray-over at magsasagawa ng bible study sa mga mag-aaral. “Mayroon talagang alagad ni Satanas. Minsan ang tao mahina ang faith kaya natatalo," paliwanag ni Pastor John Cacpaas. Nakaantabay rin ang pulisya para sa seguridad at anumang tulong na kakailanganin sa paaralan. Nakatakda ring pabendisyunan sa paring Katoliko ang buong eskwelahan sa Miyerkules. Noong nakaraang linggo, may 18 mag-aaral din sa isang high school sa Davao City ang sinasabing sinaniban ng masamang espiritu. -- JSSegui/HLCalicdan/FRJ, GMA News