2 bata na nakitang patay sa loob ng kotse, tukoy na ang dahilan ng pagkamatay
Matapos isailalim sa awtopsiya, natukoy na ang dahilan ng pagkamatay ng dalawang bata na may apat na buwan nang nawawala at natagpuang naagnas sa isang nakaparadang kotse na 'di kalayuan sa kanilang bahay sa Taguig City nitong Martes. Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News TV's Balitanghali nitong Miyerkules, sinabi nito na kinumpirma ng isang source na severe dehydration o naubusan ng tubig sa katawan ang mga bata kaya namatay. Basahin: 2 bata na ilang buwan nang nawawala, natagpuang patay sa loob ng kotse sa Taguig City Pinaniniwalaan na nakulong sina Dayne Buenaflor, 3-anyos, at James Naraga, 4, sa nakaparadang itim na Mercedez Benz sa loob ng pribadong paradahan na nasa harapan lang ng barangay hall ng Brgy. Wawa, Taguig City. Idinagdag sa nasabing ulat na kahit naagnas na ang mga labi ng mga bata, wala umanong nakitang palatandaan ng sugat o pinahirapan ang mga ito. Nang matuklasan ang kanilang mga labi sa loob ng kotse, nakita umano ang bangkay ng isang bata na nakaupo, habang nakasubsob naman sa upuan ang isa pa. Ayon sa may-ari ng sasakyan na si Gregorio Valenzuela, naka-child lock ang pinto ng kotse kaya mabubuksan lamang ito sa labas. Bukod dito, mahirap din umanong galawin ang mga lock nito matapos malubog sa baha. Bagaman sinasabing huling nakita ang mga bata na naglalaro sa naturang paradahan ng mga sasakyan noong Marso, sinabi ni Valenzuela na hindi sila lubos na nagbigay ng atensiyon sa paghahanap sa lugar dahil na rin sa lumabas na impormasyon noon na tinangay ang mga bata at isinakay sa van. Sa kabila nito, sinabi sa ulat na patuloy pa rin ang gagawing imbestigasyon ng pulisya kung papaano nakapasok sa loob ng kotse ang dalawang bata. -- FRJimenez, GMA News