PNoy, pumila para makapag-renew ng driver's license sa LTO-Tayuman sa Maynila
Walang "wang wang" kahit sa pagkuha ng lisensiya. Ipinakita ito ni Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III matapos pumila sa Land Transportation Office sa Tayuman, Maynila nitong Huwebes para mag-renew ng kaniyang driver's license.
Hindi umano inabot ng halos isang oras ang pagproseso sa lisensiya ni Aquino kasama na ang pagpila.
Nakatakdang mapaso ang lisensiya ni Aquino sa Sabado, Pebrero 8-- ang kaniyang ika-54 na kaarawan.
“The President, who has rejected the so-called wang-wang mentality since he assumed office in 2010, waited in line along with other license applicants,” nakasaad sa pahayag na ipinalabas ng Malacañang.
Basahin: PNoy, bumanat vs 'utak wang-wang'; hirit ng pangulo, nasaksihan ni Mayor Binay
Kasama ni Aquino na nagtungo sa tanggapan ng LTO sina Transportation Secretary Joseph Jun Abaya at Presidential Communications Operations Office (PCOO) Undersecretary Renato Marfil.
Sa kaniyang mga talumpati partikular sa inaugural speech noong 2010 nang maluklok sa puwesto, kinastigo ni Aquino ang wang wang mentality na simbulo pang-aabuso.
Sinabi sa pahayag ng Palasyo na marami sa mga aplikante ang nasurpresa nang makita si Aquino na naka-barong at kasama nila sa pila.
Ilan umano sa mga nakapili ang bumati at nagpakuha ng larawan kasama ang pangulo.
Nitong Miyerkules, tinanggihan ng Malacañang ang ilang mungkahi na sumakay ng Metro and Light Rail Transits si Aquino para maranasan nito ang dinadanas ng mga taong sumasakay sa MRT at LRT.
Paliwanag ng Palasyo, batid ng pamahalaan ang problema ng mga sumasakay MRT at LRT at gumagawa ng paraan ang gobyerno para malutas ito —FRJ, GMA News