ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Alkalde ng Urbiztondo, Pangasinan, patay sa ambush


Napatay sa pamamaril nitong Sabado ng umaga ang alkalde ng Urbiztondo, Pangasinan na si Mayor Ernesto Balolong Jr. Noong Nobyembre 2013, inaresto ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) si Balolong dahil sa pag-iingat umano ng mga hindi lisensiyadong baril. Sa ulat ng GMA News TV's "Balitanghali" nitong Sabado, sinabing binaril si Balolong ng mga armadong lalaki sa Rizal Street sa Barangay Poblacion, Urbiztondo dakong 9:15 a.m. Nag-iinspeksiyon umano ang alkalde sa proyekto nito nang dumating ang mga armadong lalaki at pinaputukan ang mga biktima. Bukod sa alkalde, nasawi rin ang dalawa niyang kasama at nasugatan ang isa pa. Sa hiwalay na ulat ng dzBB radio, kinilala ang dalawang kasamang nasawi ni Balolong na sina PO1 Eliseo Ulandan at Edmund Meneses. Sinabi pa sa ulat na inihayag ni Pangasinan police chief Senior Superintendent Sterling Raymond Blanco,  na idineklarang dead on arrival sa pagamutan ang mga biktima. Sinusuri na umano ng mga awtoridad ang mga kuha sa closed-circuit television cameras sa lugar para matukoy ang mga salarin. Ayon sa ulat ng dzBB radio, ang mga suspek ay lulan umano ng isang isang dark-gray Innova-type vehicle, at armado ng mga matataas na kalibre ng baril tulad ng M-16 rifles at 9-mm pistols. Sa isa pang ulat ng Bombo Radyo, sinabing aabot sa 22 tama ng bala ng baril ang tinamo sa katawan ng alkalde. Noong nakaraang Nobyermbre, inaresto ng mga tauhan ng NBI sa kaniyang bahay si Balolong dahil sa pag-iingat umano ng hindi lisensiyadong matataas na kalibre ng baril. Pero iginiit ng alkalde na lisensiyado ang mga baril niya, at ginagamit niya ang mga ito bilang proteksiyon sa sarili at pamilya. -- FRJimenez, GMA News