SC, ibinasura ang petisyon ng mga magulang ng Cebu ‘bikini students’ laban sa paaralan
Ibinasura ng Korte Suprema (SC) ang isang petisyon na inihain ng mga magulang ng dalawang babaeng high school students na kabilang sa limang mag-aaral na hindi pinayagang makasali sa graduation rites ng isang pribadong paaralan noong 2012 dahil sa larawan nila na naka-bikini at inilagay sa Facebook.
Sa 18-pahinang desisyon, ibinasura ng Third Division ng SC ang petisyon ng mga magulang ng dalawang estudyante para sa "issuance of a writ of habeas data" laban sa St. Theresa's College.
Nais ng mga magulang na ilabas ng paaralan ang kontrobersiyal na larawan ng kanilang mga anak na umano'y nakuha sa pamamagitan ng pag-download mula sa Facebook accounts ng mga estudyante.
Ang naturang mga larawan ang ginamit na basehan ng paaralan para parusahan sa pamamagitan ng hindi pagsama sa kanila sa graduation rites noong Marso 30, 2012.
Basahin: Cebu HS student na nag-post ng pic sa FB na naka-bikini, hindi makapag-martsa
Sa limang estudyante, apat ang nagsampa ng reklamo laban sa paaralan -- pero kalaunan ay iniurong ng dalawa sa apat na naghabla ang kanilang reklamo matapos pumasok sa kasunduan sa paaralan.
Giit ng mga magulang ng dalawang estudyante na dinala sa SC ang reklamo, nilabag umano ng STC computer teacher na si Mylene Rheza Escudero ang right to privacy ng mga bata nang panghimasukan nito ang Facebook accounts ng kanilang mga anak at i- download at kopyahin ang mga larawan na ipinakita sa pamunuan ng eskwelahan.
Inilarawan ng mga opisyal sa paaralan ang mga larawan ng mga estudyante na “lewd, obscene, and immoral."
Sa pamamagitan ng "writ of habeas data," maaaring kuwestiyunan ng nagpetisyon ang idinulog nitong dokumento o datos sa SC at hilingin ang “updating, rectification, or destruction” nito.
Pero paliwanag ng SC sa kanilang desisyon, walang pagkakamali ang Cebu regional trial court nang magpasya ito na walang nilabag na karapatan ng mga estudyante ang STC. Nabigo rin umano ang mga nagreklamo na magsumite ng kanilang katibayan para patotohanan ang reklamo.
"Without proof that they placed the photographs subject of this case within the ambit of their protected zone of privacy, they cannot now insist that they have an expectation of privacy with respect to the photographs in question," paliwanag sa desisyon.
Nauna nang iginiit ng mga magulang ng mga estuydante na ang Facebook account ng kanilang mga anak ay naka-"very private” o “Only Friends” setting, at hindi bukas para sa publiko.
Nais ng mga magulang na tukuyin ng paaralan kung sino ang taong nakakita sa mga larawan, at sino ang may hawak ng mga kopya ng larawan.
Subalit binigyan-bigat ng mga mahistrado ang paliwanag ni Escudero na hindi niya pinakialaman ang Facebook accounts ng mga estudyante para makuha ang mga larawan. Aniya, ang mga estudyante niya ang nakakita sa Facebook ng mga larawan ng mga pinarusahang estudyante, at ipinakita lamang sa kaniya.
"Respondents were mere recipients of what were posted. They did not resort to any unlawful means of gathering the information as it was voluntarily given to them by persons who had legitimate access to the said posts," ayon sa SC.
Kasabay nito, nagbigay din ng paalala ang SC sa mga gumagamit ng social networking sites na maging maingat at laging tandaan na maaaring malantad ang kanilang cyberspace activities.
"Furthermore, and more importantly, information, otherwise private, voluntarily surrendered by them can be opened, read, or copied by third parties who may or may not be allowed access to such," payo ng SC. -- FRJ, GMA News