Huwag magtaka kung may makitang mga bata sa Equatorial Guinea sa Africa na marunong magmano, naglalaro ng patintero, o may mga mahilig sa lutong Pinoy tulad ng adobo at bananacue.

Sa ulat ni Lala Roque sa "Brigada," sinabing nangyari ito dahil sa OFW na si Rowell Francisco, na nagtatrabaho sa isang kompanya sa Equatorial Guinea bilang data analyst.

Dahil malayo sa pamilya, sinabi ni Rowell na itinuring na niyang pangalawang pamilya ang mga Guineano.

Sa video, makikita ang ilang bata na nagmamano kay Rowell, at ilang nakatatanda naman, alam ang mga lutong empanada, adobo, at bananacue.

Taong 2016 nang magpunta si Rowell sa Equatorial Guinea matapos matanggap sa trabaho nang irekomenda siya ng isang kaibigan na nagtatrabaho rin doon.

Pagdating niya sa bansa, nakita niya na marami ang mahihirap na pamilya doon.

Nagsimula raw niyang maisipan na tumulong nang may mga bata na humiling sa kaniya na bigyan sila ng tsinelas. May mga bata rin na nanlimos sa kaniya ng pagkain.

Noon pa man daw ay tumutulong na siya pero hindi sapat dahil na rin sa limitasyon sa pinansiyal. Kaya malaking bagay daw ang pagkakaroon niya ng vlog na kumikita at nagkakaroon siya ng ipangtutulong sa mga tao.

Wala raw katumbas na halaga ang saya na makikita sa mukha ng mga Guineano na kaniyang natutulungan.

Dahil sa COVID-19 pandemic, sinabi ni Rowell na dalawang taon din siyang hindi nakauwi sa Pilipinas. Pero mas mabuti na raw ito basta ligtas.

Kumusta nga ba ang buhay niya sa piling ng mga Guineano na itinuturing na rin niyang pangalawang pamilya? Tunghayan ang kaniyang kuwento sa video.

--FRJ, GMA News