Dead on the spot ang dalawang lalaking suspek sa holdap matapos maka-engkuwentro umano ang mga pulis sa Novaliches, Quezon City nitong Lunes pasado alas-tres ng madaling araw.

Inaalam pa ng mga tauhan ng Quezon City Police District ang pagkakilanlan ng mga suspek, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita ng GMA News.

Ayon sa mga pulis, riding in tandem ang mga suspek at nakatambay sa dilim sa isang lugar sa Barangay Novaliches Proper.

Sinita sila dahil walang suot na helmet ang isa sa kanila.

Bigla na lang daw bumunot ng baril ang mga suspek at pinaputukan umano ang mga pulis.

Napilitan daw ang mga pulis na makipagbarilan sa mga suspek, dahilan ng pagkamatay ng mga ito.

 

 

 

Ayon sa pulisya, bago ang insidente ay nakatanggap sila ng report na may gasolinahan na na-holdap sa Barangay Sauyo nitong Linggo ng gabi.

Dahil dito, pinaigting ng mga pulis ang checkpoint operation.

Napag-alaman nilang tugma raw ang description ng motorsiklo ng mga suspek sa nakasaad sa ulat.

Dumating ang isang empleyado ng gasolinahan sa pinangyarihan ng engkuwentro at kinumprima na ang dalawang suspek ang nagpagasolina sa kanila at nagsagawa ng holdap.

Nakuha ng mga SOCO personnel sa mga suspek ang dalawang baril at ang halos P13,000 na kita ng gasolinahan. —KG, GMA News