Gusto mo bang manatiling gising habang nagpapalamig sa init ng araw? Patok ngayon sa Bulacan ang mga ibinebentang cold brew, na bagay para sa mga mahihilig magkape.
Sa kuwentong “Dapat Alam Mo!” ni Katrina Son, ipinakilala ang coffee shop ni Ram Lopez na Coffee Code PH sa Bulacan.
Nagsimula lamang sila noon sa pagbebenta sa kalye, hanggang sa makapagrenta sila ng sarili nilang pwesto dahil sa hilig ng customers sa cold brew.
"Ang cold brew, nilalabas niya rin ang ibang flavor notes ng coffee. Hindi lang 'yung lumalabas na bitter siya, it also showcases the sweet side of coffee," sabi ni Lopez.
Samantala, ang special cold brew ni Justin Ray Guce, owner ng Don Felimon’s Kapeng Barako, matitikman sa halagang P25 lamang.
Gamit ni Guce ang kapeng barako na nanggaling sa Batangas, na madali lamang gawin.
Honesty store naman ang estilo ni Guce sa pagbebenta, o nagbibigay siya ng tiwala sa mga customer pagdating sa bayaran.
"'Yung aim natin kung bakit natin pino-promote or ginawang maliit na negosyo 'to is para makita ng mga tao na kayang bumangga ng mga locally sourced beans natin sa mga kape na foreign na dinadala dito sa Pilipinas," sabi ni Guce.
Ayon sa dietician na si Jake Brandon Andal, less acidic ang cold brew method, at maiinom ng mga pasyenteng nakararanas ng paninikmura. —VBL, GMA Integrated News