Arestado ng Laguna Police ang isang elementary public teacher. Umano'y nagtuturo siya sa umaga, at sa gabi naman ay nagtutulak ng ilegal na droga.

Sa ulat ni John Consulta sa "24 Oras," kinilala ang suspek na si John Paul Costa. Labing-anim na sachet ng shabu ang na-recover sa kanya sa buy-bust operation noong November 18.

"Ang modus niya po is kukuha po doon sa Bay, Laguna then ibabagsak po dito sa Sta. Cruz, Laguna. After niya po sa school magturo, then sa gabi, ang modus niya po is magbenta po ng pinagbabawal na droga," ayon kay Police Major Gabriel Unay, Chief of Sta. Cruz Police.

Bukod sa pagtutulak ng droga, may nadiskubre pa ang pulis sa umano'y illegel aktibidad ng naarestong guro.

"Kukuha po siya ng babae or makarelasyon niya then papagimitin niya ng pinagbabawal na droga yung partner niya. Then after that, 'yun na po yung magsisilbing kabayaran po nung ano---. Nakakalungkot isipin talaga na public school teacher, which is tinuturuan niya po is elementary students, then sa gabi, 'yun po yung nagiging trabaho niya. Parang teacher by day, pusher by night," dagdag ni Unay.

Labis naman ang pagsisisi ng guro na may mensahe sa kanyang mga estudyante. Sambit nito, "sa lahat ng mga naging estudyante ko, pasensya na kayo at bigla akong nawala."

"Ito ako, nakakulong sa isang pagkakamali na sana kapulutan niyo ng aral," dagdag niya. —Sherylin Untalan/NB, GMA Integrated News