Kinumpirma ng isang kongresista na naging security escort niya noon ang isa sa mga suspek sa pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo. Pero sinibak ang naturang suspek-- na kompirmado ring dating sundalo-- matapos na magpositibo umano sa drug test.
Sa ulat ni Cyril Chaves sa GMA Regional TV News nitong Martes, lumitaw na residente ng Cagayan de Oro City ang nadakip na suspek na si Joric Labrador.
Kabilang si Labrador sa apat na suspek na nadakip ng mga awtoridad sa isinagawang hot pursuit operation matapos na pasukin sa kaniyang bahay ng mga armadong lalaki at patayin si Degamo sa Pamplona noong Sabado.
Kinumpirma ni Cagayan de Oro City Representatives Rufus Rodriguez, na naging security escort niya sa loob ng tatlong taon si Labrador.
Pero sinibak niya ito nang magpositibo sa drug test.
"Sabi ko hindi ka na makapagpatuloy sa akin at i-terminate na kita dahil nagpositibo ka sa drug test,' anang mambabatas.
Nakumpirma rin na dating sundalo at miyembro ng 4th Infantry Division ng Philippine Army sa Cagayan de Oro City si Labrador.
Bago matanggal sa serbisyo noong 2014 dahil sa pagiging AWOL (absence without leave), miyembro si Labrador ng military intelligence batallion.
Sa kabila nito, tiniyak ni Major Francisco Garello, spokesperson ng 4th ID, Phil Army, patuloy nilang poprotektahan ang mamamayan at igagalang ang karapatang pantao.
Hindi naman makapaniwala ang asawa ni Labrador sa krimen na kinasangkutan ng kaniyang mister.
Samantala, isinampa ng piskalya sa Tanjay City Regional Trial Court ang kasong murder at frustrated murder laban sa apat na suspek sa pagpatay kay Degamo at iba pang biktima.
Sa pahayag nitong Martes, sinabi ng Department of Justice na ang kaso ay isinampa laban kina Labrador, Joven Calibjo Javier, Benjie Rodriguez, Osmundo Rojas Rivero, at 12 John Does.
May isinampa ring mga kaso ng illegal possession of firearms, ammunition, and explosives laban sa tatlo katao sa Bayawan City Regional Trial Court.
“Well, there are already… three counts of murder against the four respondents and then another three counts of illegal possession of firearms have also been filed. So those cases are already in court,” sabi ni DOJ spokesperson Mico Clavano. --FRJ, GMA Integrated News