Timbog ang isang lalaking ikawalo sa most wanted list ng Quezon City matapos ang tatlong buwang pagtatago, matapos gahasain umano ang menor de edad niyang pinsan.

Sa ulat ni Nico Waje sa Unang Balita nitong Martes, sinabing tinungo pa ng Quezon City Police ang San Jose del Monte, Bulacan para arestuhin ang suspek, na may dalawang kaso ng rape at acts of lasciviousness.

Sinabi ng pulisya na nangyari ang panghahalay umano ng suspek sa kaniyang menor de edad na pinsan noong Disyembre 2022.

Namagitan ang kapatid ng suspek, na miyembro ng PNP, at kinumbinsi na sumuko ito.

Umamin ang suspek na hinipuan niya ang biktima, pero hindi niya ginahasa.

Hindi na nakadalo sa ikatlong hearing ng mga kaso ang suspek kaya tuluyang nasilbihan ng warrant of arrest. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News