Dalawang manggagawa ang nasawi nang sumabit ang kanilang boom truck sa linya ng kuryente at masunog sa Oriental Mindoro.

Sa ulat ni Paul Hernandez sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Huwebes, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay Lumangbayan sa Teodoro.

Sa imbestigasyon ng awtoridad, tinamaan umano ang ikinakargang poste ang linya ng kuryente na malapit sa sasakyan.

Dadalhin umano ang mga poste sa Occidental Mindoro para pagkabitan ng mga kawad ng telekomunikasyon.

Agad na rumesponde ang mga bombero pero naging maingat umano ang mga ito sa pag-apula sa apoy dahil na rin sa kuryente.

Wala namang ibang nadamay na bahay o establisimyento sa pagkasunog ng sasakyan na naapula rin pagkaraan ng isang oras.--FRJ, GMA Integrated News