Sinita ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) nitong Sabado ng umaga ang contractor ng asphalt overlay project sa Cubao, Quezon City dahil wala raw ito sa schedule.

Ang nasabing project ay isinasagawa sa New York Avenue, ayon sa ulat ni Luisito Santos sa Super Radyo dzBB.

Nagdulot ito ng matinding trapiko hindi lang sa northbound lanes ng EDSA, kundi pati na rin sa inner roads ng Cubao.

"Ito inabutan namin madaling araw, maraming nagrereklamo sa amin na traffic na dito sa northbound avenue ng EDSA," ani hepe ng MMDA Task Force for Special Operations na si Bong Nebrija.

Ayon kay Nebrija, main arterial route ang New York Avenue na ginagamit ng mga provincial buses para makarating sa kanilang mga terminal.

"Naantala ngayon 'yung paglabas ng mga bus dahil sarado sa New York [Avenue]. Ang mga buses nagsipuntahan lahat sa EDSA," aniya.

Umabot na raw sa Santolan ang dulo ng trapikong pa-northbound.

Inaasahang marami ang bibiyahe ngayong Sabado dahil sa long weekend, dulot ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) 2023 sa Lunes, at Undas (All Saints' Day) at All Souls' Day sa Nobyembre 1 at 2. —KG, GMA Integrated News