Sa kulungan ang bagsak ng dalawang Pilipino at isang dayuhan, dahil sa pananakit at tangka umanong pagnanakaw sa isang babae sa Makati City.
Sa ulat ni Jamie Santos sa GMA News Unang Balita nitong Biyernes, sinabing na-corner ng Makati Police ang tatlo umanong robbery-suspect sa panulukan ng Amorsolo at Arnaiz Street sa Makati City nitong Huwebes ng gabi.
Bago ang pagkakadakip ng mga suspek, isang babae ang humingi ng tulong sa mga tao sa lugar. Sinabi ng isang saksi, una niyang inakala na away-magkasintahan lang ang nangyari.
“Mamamalengke na po sana ako, biglang humingi ng tulong ang babae. Tapos nakita ko nga po ang mga lalaki, puro po naka-itim. Kaya po naisipan ko tumawag ng pulis at ituro nga po dito sa pangyayari,” sabi ng isang saksi.
Naawa rin ang saksi sa babaeng biktima nang makitang sinasaktan siya ng mga lalaki.
“Nakita ko po kasi tinadyakan po siya. Tapos ginano’n po siya para po mapasok siya sa kotse na 'yun,” sabi pa ng lalaking saksi.
Agad namang nakipag-ugnayan ang mga security personnel na nasa lugar sa Makati Police.
“Isang foiled robbery incident. Naharangan po itong mga suspek natin, so nagkaroon ng konting habulan, so nakuha natin, na-corner natin ang suspek,” sabi ni Police Colonel Pedro Alagano, chief ng Makati City Police.
Narekober sa kanila ng pulisya ang dalawang baril, pati na rin ang hinihinalang ilegal na droga.
Narekober din ang sasakyan kung saan nakasakay ang mga suspek nang maharang sila.
May iba pa umanong nakatakas bukod sa tatlong naaresto.
Susuriin ng pulisya ang CCTV camera sa lugar para matukoy kung saan nagmula ang mga suspek at matunton ang iba pa nilang kasama.
Inaalam din ng pulisya ang motibo sa pag-target sa biktima.
“Kung may mga makapagbigay ng information sa mga nakakita sa mga suspect, na nakakatulong sa imbestigasyon namin. So eventually, para maaresto natin ang kasamahan nila na iba pa,” sabi ni Alagano.
Walang pahayag ang mga nadakip, na nasa kustodiya ng Makati Police Station.
Posible silang maharap sa reklamong illegal possession of firearms at paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act. – Jamil Santos/FRJ GMA News
