Sa kulungan ang bagsak ng isang lalaki matapos siyang ireklamo ng pambabastos ng isang 22-anyos na babae sa Quezon City kung saan umiiral ang Anti-catcalling Ordinance.

Ayon sa ulat ni Dano Tingcungco sa 24 Oras Weekend nitong Linggo, nakikipaglaro umano sa mga aso sa kanilang bahay ang babae nang mangyari ang insidente.

Paulit-ulit daw na tinawag na "Beh" ng lalaking si Jay-ar Cabases ang babae at sinabing sana alagang aso na lang din siya ng babae.

Nangungulit din umano itong kunin ang kaniyang cellphone number.

Nang komprontahin ng babae si Cabases, itinanggi niyang nambastos siya at nagpalusot pa raw na may kausap lang siya sa cellphone. Nagawa pa raw nitong pagtawanan ang babae.

Idinulog ng biktima sa pulisya ang reklamo at nakulong si Cabases.

Sinubukang kunin ng GMA News ang panig ng lalaki matapos siyang makapag-piyansa pero hindi siya natagpuan sa ibinigay niyang address sa pulisya.

Ayon sa Quezon City Police District Station 4, ito ang ikalawang beses na may naipakulong sa bisa ng umiiral na ordinansa kontra-sexual harassment.

May kaparehong batas na ipinatutupad ang lungsod ng Maynila. Samantala, hinihintay pa rin ang pirma ni Pangulong Rodrigo Duterte para maisabatas ang panukalang "Safe Spaces Act" na layong ipagbawal ang catcalling sa buong bansa. — Dona Magsino/DVM, GMA News