Isang babae ang nagkapantal at nangati ang balat, at nilagnat pa matapos na magpaturok umano ng hindi pa batid na kalidad ng glutathion na isinagawa ng isang nagpakilala raw na nurse.

Sa ulat ni Cedrick Castillo sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabi ng biktima na itinago sa pangalang Melba, na P4,500 ang ibinayad niya sa suspek para sa 10 session ng paglalagay ng "gluta."

Naengganyo raw si Melba na magpaturok ng gluta nang makita niyang pumuti ang balat ng taong nagsama sa kaniya sa suspek.

Sa ikatlong session umano ng pagturok ng glutathion, nilagnat daw ang biktima pero sinabihan siya ng suspek na natural na reaksyon daw ito ng katawan.

Pero sa ikaapat na session, nagkaroon na siya ng mga pantal sa katawan at nangati kaya lumapit na siya sa mga awtoridad.

Sa ikalimang session ng biktima, ikinasa na ng mga pulis ang entrapment operation na ikinaaresto ng suspek na si Sam Jhasmin Lazcano, 24-anyos.

"Sinet up natin yung entrapment operation, so this resulted to the arrest of the suspect [...] Yung suspect natin na involve does not appear... wala yung pangalan niya dun sa database for nurses. Ibig sabihin, she's not supposed to be authorized for practice," saad ni Colonel Jessie Tamayao, hepe ng Malobon Police.

Inireklamo si Lazcano sa paglabag ng RA 2382 o ng Medical Act of 1959.

Sinubukan namang kuhanan ng GMA News ng pahayag ang suspek, ngunit ito ay tumanggi.

Pinaalalahanan namang ng isang dermatologist ang publiko na hindi dapat ginagamit ang glutathione para sa pagpapaputi ng balat.

"The Philippine Dermatological Society is very clear on glutathione not being used solely para mapaputi. Yun ay isang side-effect," ani Michelle Manuel, isang dermatologist. 

"Glutathione is being used in other countries, especially those that practices integrative medicine, as a good antioxidant or another way to try and manage, not to say cure, but manage cancers," idinagdag niya.-- Joahna Lei Casilao/FRJ, GMA News