Hindi mapipigilan ng kahit bagyo ang isang inang domestic helper sa Qatar sa pag-uwi sa Pilipinas para matupad ang hiling ng kaniyang anak na makasama siya sa stage sa sa moving-up ceremony nito.
Sa ulat ng GTV "Balitanghali" nitong Lunes, ipinakita ang video post sa social media ni Zyriel Lucas, sa ginawa niyang pagsorpresa sa kaniyang anak na si Aldrin sa lalawigan ng Romblon.
Mission accomplished si Mommy Zyriel sa ginawa niyang pagsorpresa kay Aldrin na kaniyang nilapitan habang nasa pila na paakyat sa stage.
Makikita ang pagkagulat ni Aldrin nang makita ang kaniyang ina sa kaniyang tabi na unang nagsabi na hindi siya makakauwi.
"Kahit may bagyo pa 'yan uuwian kita anak," saad ni Mommy Zyriel sa caption niya sa post.
Napag-alaman na dalawang taon nang hindi nakakauwi si Mommy Zyriel at hiniling ni Aldrin sa ina na sana ay masamahan siya nito sa pag-akyat sa stage sa kanilang moving up ceremony sa paaralan.
Naantig naman ang damdamin at natuwa ang maraming netizens sa naturang tagpo ng mag-ina.--FRJ, GMA Integrated News
