Sinuspinde ng Office of the Ombudsman ng anim na buwan si Bamban, Tarlac mayor Alice Guo at dalawa pang lokal opisyal.
Una rito, nagsampa ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ng reklamong katiwalian laban sa alkalde kaugnay sa umano'y pagkakasangkot niya sa ilegal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa kaniyang nasasakupan.
Ayon sa DILG, inihain nila ang reklamo laban kay Guo sa Ombudsman noong Mayo 24, kaugnay sa pagbibigay niya ng permit sa Hongsheng Gaming Technology Inc. kahit kulang ang rekisitos. Paso na rin umano ang lisensiya ng kompanya mula sa Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR).
“Given [the] respondents' power and authority, there is a strong probability that they may influence witnesses or tamper with any evidence material to the case,” saad ng Ombudsman sa inilabas na kautusan sa pagsuspinde sa alkalde.
Bukod kay Guo, sinuspinde rin sina Business Permit and Licensing Officer Edwin Ocampo at Municipal Legal Officer Adenn Sigua.
Noong Marso 13, sinalakay ng mga awtoridad ang kompanya ng Zun Yuan Technology Inc. matapos makatanggap ng impormasyon na sangkot ito sa ilegal na gawain.
Nag-o-operate ang kompanya sa 10-hektaryang lupain o complex na nasa likod lang ng munisipyo ng Bamban.
Kasamang nakumpiska sa lugar ang mga electronic devices, kagaya ng mga cellphone na ginagamit sa POGO operations. Nasa 600 katao na kinabibilangan ng mga Pinoy at dayuhan ang "nasagip" sa naturang raid.
Sinalakay na rin noong 2023 ang naturang complex na ang nag-o-operate naman ay Hongsheng Technology Inc., na iniuugnay kay Guo, na hindi pa noon alkalde, dahil siya ang nag-apply para sa letter of no objection upang makakuha ng license to operate ang kompanya.
“The foregoing considered, this Office finds sufficient grounds to preventively suspend Alice Guo, Edwin Ocampo and Adenn Sigua considering: that, there is strong evidence showing their guilt; that the charges against them involves grave misconduct, conduct prejudicial to the best Interest of the service, and gross neglect of duty which may warrant their removal from the service,” ayon sa Ombudsman.
“Their continued stay in office may prejudice the investigation of the case filed against them,” dagdag nito.
Lumitaw din sa imbestigasyon ng mga mambabatas na si Guo ang incorporator ng Baofu Land Development Inc., na nagmamay-ari ng complex na kinatatayuan ng mga gusali kung saan nag-o-operate ang sinasabing POGO company.
Itinanggi na noon ni Gou na may kinalaman siya sa POGO operation, at iginiit na isa siyang Filipino, at hindi Chinese.
Hinihintay pa ng GMA News Online ang komento ng kampo ni Guo sa inilabas na utos ng Ombudsman.
Sinabi naman ni Senador Risa Hontiveros, na nangunguna sa Senate inquiry tungkol sa umano'y ilegal na operasyon ng POGO sa Bamban, na "dapat lang" ang ginawang pagsuspinde sa alkalde.
"Nung unang bisita pa lang namin sa ni-raid na POGO sa Bamban, Tarlac, ipinanawagan ko na ang preventive suspension laban kay Mayor Alice Guo. We also received information that she tried to obstruct the ongoing investigation immediately after the POGO was raided. This should have already warranted a suspension," ayon sa senadora.
"We only hope this is not too late. Mayor Guo also undoubtedly has ties with POGO," pagdiin niya.—mula sa ulat ni Llanesca T. Panti/FRJ, GMA Integrated News

