Aabutin ng mula P500,000 hanggang mahigit P1 milyon ang kakailanganin ng isang tao para maoperahan sa puso. Depende iyan sa uri ng operasyon at kung saang ospital isasagawa—kung pampubliko o pribado.
UNANG BAHAGI: Masakit pa rin ba sa bulsa ang magpagamot ng sakit sa puso ngayon?
IKALAWANG BAHAGI: Pagsagip sa buhay ng batang may butas ang puso
Nakaraang bahagi ng serye, naging mapalad sina Pastor Rene at Rose dahil makalikom ng sapat na halaga ang kani-kanilang pamilya para ipinambayad sa kani-kanilang operasyon sa puso.
Si Pastor Rene, sinabing malaking tulong ang Z Benefits ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) para sa kaniyang operasyon. Sinagot umano ng naturang programa ng pamahalaan ang kalahati ng kaniyang mga bayarin sa ospital.
Ano ang Z Benefits?
Kasama sa patuloy na pagsusulong ng Department of Health (DOH) para sa universal health care, nag-aalok ang PhilHealth ng mga benefit package para sa mga may case "type Z" condition.
Kuwalipikado para sa package na ito ang mga pasyenteng may malalang sakit at kondisyong pangkalusugan na nangangailangan ng mamahaling pagpapagamot at pagpapaospital.
Sa ilalim ng Z Benefit package, sagot ng PhilHealth ang P550,000 halaga ng gastusin para sa CABG o heart bypass surgery para sa mga kuwalipikadong miyembro na may edad 19 hanggang 70.
Para naman sa mga batang may edad 1 hanggang 10, nagbabayad ang state health insurer ng P320,000 para sa kabuuang pagtatama ng Tetralogy of Fallot—isang congenital defect na nakaaapekto ng normal na pagdaloy ng dugo sa puso.
Sinasagot din ng PhilHealth ang P250,000 na halaga ng operasyon para sa mga batang may Ventricular Septal Defect—isa pang depekto sa pagkapanganak na may butas sa puso ang isang tao.
Kasama sa “eligible” sa ilalim ng “No Balance Billing” policy ang mga mahihirap na miyembro, domestic worker, senior citizen, at mga itinuturing na sponsored (binabayaran ng ibang tao, ahensiya ng gobyerno, o pribadong entidad at habang-buhay (isang retiradong indibidwal na nagbayad ng hindi bababa sa P120,000 buwanang premium na kontribusyon), kasama ang kanilang mga kuwalipikadong mga dependent.
Bukod sa tulong ang Z Benefits para sa kaniyang operasyon, mayroon din si Pastor Rene ng health insurance. Kaya nabawasan ang mga bayarin niya mula sa unang hinihingi sa kaniya na P850,000, sa hanggang P350,000.
Bagama't may kabigatan pa rin sa kaniya ang natitirang balanse, sinabi ni Rene na nakalikom siya ng P350,000 dahil na rin sa tulong ng kaniyang mga kasamahan sa simbahan, sa paaralang dati niyang pinagtatrabahuhan, at ilang tao na hindi niya kilala nang personal.
Isinuko niya rin ang lahat ng kaniyang mga pasanin sa Panginoon, na may pag-asang ibibigay Niya ang anumang pagkukulang niya.
Bago ilunsad ang malaking programa na ito ng gobyerno noong 2012, mas mabigat ang pasanin ng mga Pilipino na may malulubhang sakit pagdating sa mga gastusin sa ospital, na umaasa lamang ang mga mahihirap sa mga pautang at donasyon mula sa mabubuting kalooban.
Alagaan ang puso
Upang makaiwas sa ganitong problema sa malaking gastusin sa pagpapaopera sa puso, ipinapayo ng DOH ang isang paraan na hindi magastos-- ang alagaan ang kalusugan at puso.
Sinabi ng Assistant Secretary at deputy spokesperson ng Department of Health (DOH) na si Dr. Albert Domingo, na maiiwasan ang mga sakit sa puso gaya ng pag-iwas sa mga masasamang bisyo katulad ng paninigarilyo, at pag-inom ng alak.
Kabilang naman sa magagandang gawin para sa pangangalaga ng puso ang pagsasama ng mga prutas at grains sa diyeta o pagkain, at regular na ehersisyo.
“Proper and consistent administration of medications as recommended by a physician is also helpful for maintaining a healthy heart,” sabi ni Dr. Domingo.
Binigyang-diin din ni Dr. Elfred Batalla, head ng Southern Philippines Medical Center Heart Institute sa Davao City, ang kahalagahan na maagang makita kung nagsisimula nang magkaroon ng problema sa puso upang maiwasan ang paglala nito na maaaring maging dahilan para malagay na sa panganib ang buhay at malaking problema sa gastusin sa operasyon.
“An ounce of prevention is better than cure… Kung ma-detect na ‘yung sakit mo late na, gumastos ka na sa ospital tapos nagkaroon ka na probably ng irreversible damage sa puso mo,” sabi niya.
Tungkol sa kakulangan ng ospital sa mga probinsiya na may espesalisasyon sa sakit sa puso, sinabing hangad ng DOH sa ilalim ng Universal Health Care (UHC) law, na magtatag ng 19 functional cardiovascular centers sa buong bansa pagsapit sa 2028.
Kabilang dito ang isang national cardiovascular specialty center, limang advanced comprehensive cardiovascular specialty centers, at 13 basic comprehensive specialty centers.
Malaking bagay na ito, lalo na para sa mga Pilipinong maysakit sa puso dahil magkakaroon na sila ng de-kalidad na pangangalagang pangkalusugan saan man sila naroroon sa Pilipinas.
Sa ngayon, bukod sa Philippine Heart Center, mayroon lamang siyam na functional cardiovascular centers sa bansa na kinabibilangan ng: Mariano Marcos Memorial Hospital and Medical Center, Dr. Paulino J. Garcia Memorial Research and Medical Center, Western Visayas Medical Center, Vicente Sotto Memorial Medical Center, Eastern Visayas Medical Center, Northern Mindanao Medical Center, Southern Philippines Medical Center, at Cotabato Regional and Medical Center.
Malayo man sa ibang mauunlad na bansa na halos libre na ang operasyon sa puso, nawa’y mangyari din sa Pilipinas sa pinakamalapit na hinaharap ang mas malaki pang tulong mula sa gobyerno para sa mga pasyenteng may malulubhang sakit, lalo na sa mga bata upang mabigyan sila ng tinatawag na pangalawang buhay.— mula sa Cover Stories report ni Giselle Ombay, isinalin ni Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News

