Matiyagang pumila ang ilang mga menor de edad sa vaccination sites sa Maynila nitong Huwebes, ayon sa ulat ni Jonathan Andal sa "Unang Balita" nitong Huwebes.
Maaga pa lamang umano ay marami nang nakapila sa Moises Salvador Elementary School sa Sampaloc District, na isa sa mga vaccination sites para sa mga menor de edad.
Isa sa dahilan kung bakit nila gustong mabakunahan ang mga bata ay para maging handa sa posibleng pagbubukas ng face-to-face classes at magkaroon daw ng chance na makapamasyal at maging protektado laban sa COVID-19.
Ayon sa ulat, sa Maynila ay mga ospital ang nagsisilbing vaccination sites sa mga 12-17 age group, maliban sa Sampaloc na inilipat sa Moises Salvador Elementary School dahil masikip ang original venue ng ospital ng Sampaloc.
Binakunahan naman ang mga nakatatanda o adults sa designated malls at health centers.
Batay sa tala ng Manila Public Information Office (PIO), umabot sa 7, 143 na menor na edad ang nabakunahan noong Miyerkules.
Paalala naman ng mga experto, hindi porke't nabakunahan ay maging kampte na dahil nananatili parin ang banta ng coronavirus.
Samantala, para sa mga menor de edad na nais magpabakuna ay kailangan lamang ng photo copy ng birth certificate o baranggay certificate na nagpapatunay na siya ay menor de edad.
Kinakailangan din ng valid ID ng magulang at kung hindi kasama ang magulang ay kailangan ng authorization letter na nagsasabing pumapayag ito mapakunahan ang bata kasama ang guardian.
Required din na mag-register ng QR code na makukuha kapag nag-register sa website ng Manila COVID vaccination site.
Walk-in ang schedule at ina-upload ng PIO ang venues ng vaccination program at maaaring mamili ang mga indibidwal kung saan nila gusto magpabakuna.
Dagdag pa ng mga namamahala sa vaccination program sa Sampaloc, kung ang magulang ay hindi pa bakunado pero nais sumabay sa anak pagdating sa site, ay sabihin lamang kung gusto ng magulang na magpabakuna.
Pinaalalahanan din ang mga magulang na huwag iiwan ang mga bata hanggang hindi pa natatapos ang vaccination.
Hindi umano babakunahan ang menor de edad kung walang kasamang guardian o magulang sa vaccination area. —Sherylin Untalan/LBG, GMA News