Arestado sa Pasay City ang isang Israeli national na chief operations officer (COO) ng isang call center sa Metro Manila dahil sa pagkakasangkot umano sa crypto investment fraud sa Germany.

Ayon sa ulat ni John Consulta sa Unang Balita nitong Biyernes, inaresto ng Bureau of Immigration Fugitive Search Unit ang suspek na si Levy Kfir sa isang restaurant sa Pasay City.

Napagtanto na mayroong warrant of arrest sa Europe at INTERPOL notice ang suspek dahil sa pagkakasangkot sa crypto investment fraud na bumiktima umano ng 200 German nationals.

Ayon sa hepe ng Bureau of Immigration ng Fugutive Search Unit na si Rendel Sy, kumita ang kumpanya ng suspek ng halos P400 milyon dahil sa nasabing investment scams. --Sherylin Untalan/KBK, GMA News