Dahil sa pinapangambahang pag-atake sa kanila ng Russia, naghahanda ang ilang kababaihan sa Ukraine sa posibleng pakikidigma.

Gaya ng 44-anyos na si Viktoria Makarova, na mula sa Kharkiv. Nagtatrabaho siya bilang construction manager sa weekdays at nag-aaral na maging sundalo naman sa weekends.

Sa ulat ng Reuters, sinabing isa si Makarova sa maraming babaeng Ukrainian ang nag-aaral kung papaano gumamit ng baril, magsagawa ng first aid at matuto ng martial arts skills.

“We are not going to run away and abandon our beloved city of Kharkiv, this means we have to learn how to defend it," deklara niya.

Dumami umano ang mga nagpapaturo sa naturang larangan, ayon kay Igor Pushkarev, beterano ng 2014 conflict sa eastern Ukraine, at nag-organisa ng military training courses para sa mga mamamayan.

"Every time Russian aggression grows, the people's motivation increases, they obviously want to refresh their skills and learn news ones,” saad niya.

Nananatiling mataas ang tensiyon ng posibleng pag-atake ng Russia sa Ukraine, kasunod ng pagpuwesto ng Russia sa daang-libo nilang sundalo sa border ng Ukraine.

Itinatanggi ng Russia na may plano silang lusubin ang Ukraine pero may gagawin daw silang unspecified military measures kapag hindi pinagbigyan ang kanilang kahilingan na huwag gawing miyembro ng NATO ang Ukraine.

Pilit naman na pinapayapa ni Foreign Minister Dmytro Kuleba ang kaniyang mga kababayan na huwag isipin ang "apocalyptic predictions."

Aniya, malakas ang suporta sa kanila ng iba't ibang bansa.

Pero hindi sapat ang mga pahayag ni Kuleba para mapanatag ang kalooban ng mga tao, lalo na ang nasa eastern frontline.

Mayroon din mga kababaihan sa Signalne na nangangamba sa kanilang kaligtasan kapag nagkaroon ng sagupaan.

“How can we flee? If it starts whizzing how can we flee. Will we hide in a basement or just in the corner. I don't hide in a basement now, more often I just sit in some corner and pray. We pray every day for peace,"anang isang babae.

"We are scared, sure. But where can we go? Who needs us?," saad ng isa pa. -- Reuters/FRJ, GMA News