Namatay ang isang babae matapos pagbabarilin sa Barangay Payatas sa Quezon City nitong Lunes ng gabi, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Martes.

Kinilala ang biktima na si Erma Martinez, 52, na nakulong daw nitong nakaraang taon dahil sa kasong may kinalaman sa iligal na droga.

Pinagbabaril si Martinez sa labas ng bahay ng kaniyang kapatid. Nagtamo siya ng tama ng bala sa ulo, tiyan at likod.

Ayon sa kapatid ng biktima, pumunta sa kanila si Martinez para manghiram ng charger ng radyo.

"Pagtalikod ko po narinig ko na binaril na pala siya," kuwento ni Jocelyn Martinez.

Hindi raw nakita ni Jocelyn ang mga nasa likod ng krimen. Wala rin daw siyang maisip na motibo dahil suma-sideline ang biktima bilang labandera.

Ayon sa pulisya, dalawang hindi pa nakikilalang lalaki ang salarin.

Humihiling ng katarungan si Jocelyn. —KBK, GMA News